Bulacan – Tinatayang nasa 119 kaso ng dengue ang naitala na umano’y pawang mga kabataang lalaki ang karamihang naapektuhan sa pitong barangay sa bayan ng Bulakan.
Sa tala, mula Morbidity Week 1-28 (January 01 to July 16, 2024) ay nasa 85 Dengue Cases ang naireport na nagmula sa ibat-ibang Disease Reporting Unit.
Nabatid na marami ang nakapagkonsulta muli sa Rural Health Unit at ka-tie up na private hospital sa naturang bayan nitong nakaraang dalawang linggo (Morbidity Week No. 29) na may naitalang 12 kaso.
Nalaman din na may panibagong naitala nitong Morbidity No. 30, 31 at 32 na may kabuuang 22 Dengue cases.
Sinasabing napuntirya ng dengue ang edad mula 1 hanggang 20 taong gulang na halos ay pawang mga lalaki ang nagkaroon ng kaso.
Binabantayan ng kinauukulan ang pitong barangay na inatake ng mga lamok na may dengue sa pangunguna ng Brgy. Maysantol, Bagumbayan, Sta Ana, San Francisco, San Nicolas, Sta. Ines at Bambang.
Pinayuhan ng kinauukulan ang mga Bulakenyo lalo ngayong panahon ng tag-ulan na mag-ingat, maglinis ng kapaligiran para maalis ang breeding place ng mga lamok at ipatupad ang 4 o’ clock PM habit para makatulong sa pagbaba ng kaso. Dick Mirasol III