Home NATIONWIDE 12 parak sa ‘Atimonan” shootout, pinawalang-sala ng korte

12 parak sa ‘Atimonan” shootout, pinawalang-sala ng korte

MANILA, Philippines – Pinawalang sala ng Manila Regional Trial Court si PCol Hansel Marantan at 11 iba pang pulis kaugnay sa naganap na shootout sa Atimonan, Quezon noong 2013.

Sa nasabing pangyayari, 13 katao ang binawian ng buhay sa madugong engkuwentro.

Sa desisyon ni Manila RTC Branch 27 Judge Teresa Patrimonio-Soriaso, nakasaad na pinawalang sala ang grupo ni Marantan dahil ang pangyayari ay bahagi ng kanilang tungkulin o “fulfillment of duty.”

Kabilang sa mga inabsuwelto ay sina Marantan, Supt. Ramon Balauag, Chief Insp. Grant Gollod, Senior Insp. John Paulo Carrecedo, Senior Insp. Timoteo Orig, SPO3 Joselito de Guzman, SPO1 Carlo Cataquiz, SPO1 Arturo Sarmiento, SPO1 Eduardo Oronan, PO2 Nelson Indal, PO1 Wryan Sardea, at PO1 Rodel Talento.

Sinabi ng Korte na makatwiran ang puwersang ginamit ng mga awtoridad upang kontrahin ang pag-atake sa kanila kung saan ang panganib sa buhay ng mga pulis at sundalo sa insidente ng pamamaril ay “actual and imminent.”

Ipinag-utos rin ng Korte ang pagkansela at pagbabalik ng piyansa ng bawat akusado.

Samantala, in-archive muna ng Korte ang kaso laban sa isa pang akusado na si PO2 Al Bhazar Jailani.

(Jocelyn Tabangcura-Domenden)