Manila, Philippines — Nakakaloka ang rebelasyon ni Anjo Yllana na naging girlfriend niya si Kris Aquino ng tatlong linggo lang!
Ito ang naging pag-amin ng aktor nang maging panauhin siya sa YouTube channel ni Snooky Serna.
“We had one or two movies (Pempe ni Sara at Pen, 1995 at guesting sa Palibhasa Lalaki), tapos naging kami for a while.
“Ano lang kami, parang three weeks,” pahayag niya.
Ipinaliwanag din niya kung bakit sila nag-break ni Kris.
“Nag-break kami ni Kris kasi dumalaw ako sa kanya, nagdala ako ng flowers. ‘Yung flowers ko parang galing Baguio. May matataas na stem na roses (sabay muwestra), alam mong galing sa ibang bansa (Hybrid Tea Roses).
“Sabi ko, kanino galing ‘yang roses na ‘yan?
“Sabi niya: ‘Oh, it came from Robin (Padilla). Oh, he’s my boyfriend.’
“‘Boyfriend mo si Robin, boyfriend mo rin ako?’ paninita ko.
“Tugon ulit ni Kris: ‘Yeah, including Aga (Muhlach).’”
Naloka naman si Snooky sa kuwento ni Anjo kaya hindi nito napigilang mapahalakhak.
Naiiling din si Anjo sa kanyang pagtu-throwback.
“Nabaliw ako noon. Sabi ko sa kanya, ‘Ikaw, baliw ka. Magkaibigan na lang tayo. Wala! Walang mangyayari sa atin nito,’” bulalas niya.
Sa kabila ng paghihiwalay, naging super close friends daw sila ni Kris.
Nandoon din daw siya sa aktres noong panahong dumaraan ito sa matitinding pagsubok.
“Hanggang sa naging super close kami. Bestfriend ko ‘yang si Kris.
“Panahon ni Kuya Ipe (Salvador), nandoon ako para sa kanya.
“Yung pagbubuntis niya (kay Joshua), I was there.
“I was telling her, ‘Alam mo si Kuya Ipe, hindi na tatanggapin ng pamilya mo kasi nagkaroon ng asawa’t hiwalay.
“‘Pero ang anak mo, imposibleng hindi tanggapin ni Mommy mo, si Tita Cory. Imposibleng hindi tanggapin ng mga kapatid mo kasi dugo nila ‘yan.’
“‘‘Wag mo na isipin ‘yan kasi nakakaapekto lang ‘yan sa pagdadalang-tao mo. Basta I promise you, your family will accept your child.’”
Aminado rin siyang nasira ang samahan nila ni Kris dahil kay Joey Marquez.
“Nagkahiwalay kami ng landas noong nag-away sila ni Joey Marquez. Remember that, malaking issue ‘yon!” giit niya.
Ito ‘yung panahong inamin ni Kris sa publiko na nagkaroon siya ng STD (sexually transmitted disease) mula kay Joey.
“Malaking gulo ‘yon. Siyempre, kinampihan ko si Joey.
“At wala na, hindi na ako friend ni Mareng Kris. Pero pag nagkikita naman kami kunwari sa eroplano, sabi niya, ‘Hi pare.’ Hahahahaha! Gano’n lang,” kuwento ni Anjo.
Aware naman si Anjo sa patuloy na pakikibaka ni Kris sa kanyang kalusugan.
Gayunpaman, wish daw niya ay ang tuluyang paggaling ni Kris.
Naniniwala rin siyang maraming nagmamahal dito.
“Sa pinagdaraanan niya ngayon, kahit may ilang taong tinitira siya, I think more than 90% sa showbiz, mahal ka ng industriya kaya ‘wag mong isipin na lahat ng taga-showbiz ay hindi ka gusto.
“Mahal ka ng mga taga-showbiz at naiintindihan nila ang kalagayan mo.
“Minsan kasi may bira kay Kris na umaarte lang…
“Keep strong. Keep fighting. Kawawa naman si Mare. Dalawa anak niya, wala na nga siyang love.”