Home METRO Manila City Hall sinugod ng SWAT

Manila City Hall sinugod ng SWAT

MANILA, Philippines – SUMUGOD ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) – Special Weapons and Tactics (SWAT) sa Manila City Hall nitong Biyernes ng gabi matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y nagaganap na tensyon sa tanggapan ng Office of the City Accountant.

Ilan sa mga mamamahayag ay napasugod din sa Manila City Hall kung saan naabutan sa pasilyo ng unang palapag ang mga tauhan ng MPD-Station 5 at ng SWAT Team na nakaantabay sa labas ng tanggapan. Layunin nilang personal na makausap si Jonathan Gallorio, ang Officer-in-Charge ng Office of the City Accountant, upang kumpirmahin ang nasagap nilang impormasyon. Subalit, sa hindi nalaman na kadahilanan, ilang oras pa ang lumipas bago ito nakalabas ng kanyang opisina.

Nang tanungin kung ano ang nag-udyok sa mga awtoridad na magsagawa ng responde kahit tapos na ang oras ng trabaho, sinabi ng ilan sa kanila na nakatanggap sila ng impormasyon na may ilang kawani sa loob ng tanggapan ang pinipigilang makalabas hangga’t hindi natatapos ang kanilang trabaho.

May kailangan umanong lagdaan ang Office of the City Accountant na mga dokumentong may kaugnayan sa mga contractor kaya’t hindi pa umano pinayagang umalis ang mga kawani ng tanggapan.

Tinangka namang pumasok sa loob ng tanggapan ang mga mamamahayag, kasama ang ilang opisyal ng kapulisan, subalit kalaunan ay pinalabas din sila nang hindi pa rin nalilinawan kung ano ang tunay na nagaganap sa opisina ni Gallorio.

Naibsan lamang ang tensyon nang dumating sina P/Maj. Dave Apostol at P/Maj. Edward Samonte, mga dating naging hepe ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila City Hall sa panahon ni dating Mayor Isko Moreno Domagoso.

Pasado alas-9 ng gabi nang makalabas na ang ilang kawani, pati na ang kanilang hepe na si Gallorio, na siyang huling lumabas ng tanggapan.

Napag-alaman na bago pa man makalabas ang mga kawani at si Gallorio, namataan ng ilang mamamahayag si Manila Mayor Honey Lacuna sa loob ng tanggapan kasama ang ilan sa kanyang mga security officers.

(JAY Reyes)