MANILA, Philippines- Hanggang 14 tropical cyclones ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine area of responsibility mula Agosto hanggang Disyembre, ayon sa state weather bureau PAGASA.
Sinabi ni PAGASA weather specialist Joey Figuracion nitong Martes na maaaring magdulot ang La Niña phenomenon ng mas maraming bagyo hanggang sa pagtatapos ng taon.
“Pagdating ng July, August, September, kaunti iyong bilang ng bagyo. Pero ‘pag October, November, December, mas marami naman,” aniya sa isang forum sa Quezon City.
“Sa bagyo, kung may La Niña, maaaring mas marami. But in terms of ulan, depende rin po sa season… Dati nababanggit natin, pagka El Niño, walang masyadong ulan. Pero ibang story ‘pag Habagat (southwest monsoon) kasi ina-amplify niya iyong Habagat during El Niño,” dagdag ng opisyal.
Inihayag ni Figuracion na iiral ang southwest monsoon o habagat sa darating na mga linggo, subalit ang mga pag-ulan ay hindi magiging kasing lakas tulad ng pananalasa ni super typhoon Carina.
“In general, for the next two weeks kung bagyo ang pag-uusapan or high-impact weather events ay hindi natin nakikita pa ngayon. Wala tayong nakikita sa mga forecasting models natin na magkakaroon ng kasunod si Carina. Mayroon actually sa taas ng ating bansa pero papunta siya ng Japan so hindi siya gaano ka-concern,” wika niya.
“Although inaasahan natin in the coming two weeks ay patuloy na magkakaroon tayo ng habagat so generally, maulan ang ating August. Kasi nasa rainy season tayo ngayon, at concurrent din iyan sa Habagat. At magpapatuloy ang habagat generally until September or mid of October,” dagdag pa.
Pinaalalahanan naman ni Figuracion ang publiko na maging alerto sa thunderstorms at localized thunderstorms, na maaaring magresulta sa malakas na pag-ulan, partikular sa low-lying areas.
Samantala, inamin niyang ang “timing” ay hamon sa weather forecasting.
“Habagat ang ating pinaka-culprit ng malalakas na pag-ulan noong nakaraang July. Iyong event na iyon, isa siya sa tinatawag nating extreme event… Medyo nagkaroon naman ng advisory in terms of gaano kalakas. Ang pinaka-challenge din talaga sa pag-forecast ay iyong timing, kung anong specific na oras. Kasi minsan binibigay natin 24 hours,” aniya.
“Kaya iyong nowcasting is very essential in terms of anong lugar talaga iyong may malalakas na pag-ulan,” patuloy pa niya. RNT/SA