CAGAYAN, Philippines – Dahil sa tindi ng init ng panahon ay umabot sa 16 na estudyante sa koliheyo ang inate ng heat stroke habang nagsasagawa ng NSTP Orientation sa sa loob ng Cagayan State University Carig Campus dito sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, ang emergency ay naganap habang isinasagawa ang NSTP Orientation na dinaluhan ng humigit-kumulang 1,500 na estudyante na nagsisiksikan kung saan ay marami umano ang hindi nag-almusal na dahilan ng sunod-sunod na nakaramdam ng panghihina at iba pang sintomas ang mga estudyante na dala ng init ng panahon.
Agad na rumesponde ang Task Force Lingkod o TFLC Tuguegarao EMS team matapos tawagan ng isang Army Reservist na naroon sa venue. Pagdating sa lugar, sinimulan agad ng crew ang triaging upang matukoy kung sino ang mga kailangang unahin sa paggamot at transportasyon.
Agad na isinagawa ang assessment at monitoring ng vital signs, umabot sa labing-anim na estudyante ang kinailangang isugod sa ospital dahil sa iba’t ibang sintomas ng heat at stress.
Kabilang ang walong estudyante ang nagkaroon ng hyperventilation, muscle cramps at panghihina ng katawan.
Tatlo naman ang inatake ng asma, habang dalawa ang nakaranas ng nosebleeds, pagsusuka at muscle cramps. Dalawa pa ang dumanas ng matinding pagkahilo at pagsusuka, at isa ang nagkaroon ng pagkahilo at pulikat sa katawan.
Lahat ng mga pasyente ay agad na binigyan ng paunang lunas sa lugar. Matapos ma-stabilize, isa-isang isinakay sa mga ambulance ng TFLC at minonitor nang tuloy-tuloy ang kalagayan habang nasa biyahe patungong ospital.
Ang labing-anim na estudyante ay agad na dinala sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC para mabigyan ng karampatang lunas na kasalukuyan inoobserbahan ang kalagayan ng mga ito. (REY VELASCO)







