Home NATIONWIDE Ebidensya sa impeachment trial, hiniling isapubliko ni Sen. Bam

Ebidensya sa impeachment trial, hiniling isapubliko ni Sen. Bam

1
0

MANILA, Philippines – Nais ni Senador Bam Aquino na isapubliko ang lahat ng ebidensyang ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil mahalagang malaman ng taumbayan ang mga detalye hinggil sa paglilitis.

Sa isang video statement, sinabi ni Aquino na maghahain siya ng mosyon upang hilingin ang pagpapalabas sa publiko ng lahat ng ebidensyang ilalabas sa paglilitis, na nakatakdang magsimula sa Lunes (Hulyo 6).

“Sa unang linggo, magpa-file po tayo ng motion to release all presented evidence to the public,” wika ni Aquino, kasabay ng pagsasabi na mahalagang mayroong sapat na kaalaman ang publiko habang dinidinig ng senator-judges ang impeachment case laban sa Bise Presidente na nahaharap sa kasong graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at high crimes.

Ayon kay Aquino, ang impeachment ay isang masusing prosesong itinatakda ng Konstitusyon dahil kinakailangan ang boto ng 2/3 ng senator-judges upang mapatalsik sa puwesto ang isang halal na opisyal.

“Hindi simpleng bagay ang pagtanggal sa mga nahalal na opisyal dahil binabago po ng impeachment ang naging kagustuhan ng mayorya ng mga botante,” wika niya.

Hinikayat din ni Aquino ang mga Pilipino na masusing subaybayan ang mga pagdinig, bumuo ng sarili nilang pananaw batay sa mga ebidensya, at manatiling mapagmatyag laban sa maling impormasyon.

“Gagamitin namin ang aming social media pages para makalap ang mga tanong at mga paksa na mahalaga po sa publiko,” sabi pa niya.

Nangako rin siya na mananatiling walang kinikilingan, maingat na susuriin ang mga ebidensya, titiyaking patas na paglilitis, at boboto batay sa mga ebidensiyang ilalabas sa pagdinig.

“Ito po ang aming pangako. Hihimayin namin ang ebidensya. Sisiguraduhin namin na magiging patas ang paglilitis. Walang kulay, walang kaibigan, walang kaaway. Boboto po tayo ayon sa ebidensya,” aniya.  Ernie Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here