Home NATIONWIDE 162nd Malasakit Center, binuksan sa First Misamis Oriental General Hospital

162nd Malasakit Center, binuksan sa First Misamis Oriental General Hospital

MANILA, Philippines – PERSONAL na dinaluhan ni Senator Christopher “Bong” Go, ama ng Malasakit Centers program at chairperson ng Senate committee on health and demography, ang pagbubukas ng ika-162 Malasakit Center sa First Misamis Oriental General Hospital sa Medina, Misamis Oriental.

Ang pagbubukas ng Malasakit Centers ay layong mailapit ang pagbibigay ng tulong- medikal ng gobyerno, lalo sa mga mahihirap na Pilipino.

Dinaluhan ito ng mga pangunahing opisyal, kabilang sina Congressman Christian Unabia, Mayor Donato Chan, Vice Mayor Paulo Magallanes, Department of Health officials, Hospital chief Dr. Napoleon Ray Talines, gayundin ng iba pang lokal na opisyal at mga tauhan ng ospital.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 90 Malasakit Centers sa Luzon, 30 sa Visayas, at 42 sa Mindanao. Mayroong 9 sa Northern Mindanao, kabilang ang bagong bukas sa Medina; ang Northern Mindanao Medical Center, at J.R. Borja General Hospital, kapwa sa Cagayan de Oro City.

Sa kanyang talumpati, ginunita ni Sen. Go ang pagsisimula ng Malasakit Centers program noong 2018, hango sa mga hamon na kanyang naobserbahan sa mga mahihirap na naghahanap ng tulong medikal ng gobyerno.

Ang programa ay tugon sa masalimuot na proseso na kailangang tiisin ng mga mahihirap na Pilipino, kadalasang kinabibilangan ng pagtungo sa maraming opisina at paghihintay sa mahabang pila para lamang makatanggap ng tulong.

Ang Malasakit Centers program ay isang one-stop shop kung saan ang mga mahahalagang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay pinagsama-sama sa sentralisado at mabilis na pamimigay ng tulong mula sa kani-kanilang programa.

Pinasimple rin ng inisyatibang ito ang paraan ng pagkuha ng tulong-medikal nang hindi na kinakailangan ng mahabang paglalakbay at oras ng paghihintay.

Na-institutionalize ang programa sa pamamagitan ng pagpasa ng Republic Act No. 11463, na pangunahing iniakda at itinaguyod ni Senator Go.

“Basta Pilipino ka, poor and indigent patient ka, qualified ka sa Malasakit Center. Lapitan niyo lang po ang Malasakit Center diyan po sa inyong lugar at tutulungan po kayo sa inyong hospital billing,” ang himok ng mambabatas.

Binigyang-diin ni Go na ang kanyang pangako sa pagpapabuti ng accessibility sa pangangalagang pangkalusugan sa bansa ay pangunahing pokus ng kanyang legislative agenda.

“Ang pagbubukas ng bagong Malasakit Center sa Medina ay ang pinakabagong hakbang sa pagtiyak na ang lahat ng mga Pilipino ay may pantay na access sa mga serbisyong medikal, ” ani Go. RNT