Home NATIONWIDE 16K pasahero na-offload mula Enero

16K pasahero na-offload mula Enero

MANILA, Philippines – Nasa kabuuang 16,617 pasahero ang na-offload sa unang bahagi ng 2024, ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco nitong Miyerkules, Agosto 28.

Ang naturang bilang ay mas mababa sa naitalang 36,316 offloaded passengers sa kaparehong panahon noong 2023.

Ito ang ibinahagi ni Tansingco sa pagdinig ng Senate finance committee sa proposed P40.585 billion budget ng Department of Justice (DOJ) at attached agencies nito matapos na ihayag ni Senador Grace Poe ang pagkabahala sa mga pasaherong nakararanas ng “power tripping” mula sa Immigration personnel sa mga Paliparan.

“Sometimes, because of some questions that are unnecessary, burdensome, kung ano-ano ang mga tinatanong, nag-pa-powertrip eh ‘yung iba, merong mga na-o-offload na passengers,” ani Poe.

Ayon naman kay Tansingco, karamihan sa mga na-offload ay nagpapakilalang mga turista o bilang overseas Filipino workers (OFWs).

“So far, we received no formal complaint for an arbitrary offloading. The composition of this is 7,985 OFWs, 7,591 presenting themselves as tourists, 1,041 categorized as others,” ani Tansingco.

“We already have a real time connectivity or data sharing with [Department of Migrant Workers] wherein duly registered OFWs, the one with the OEC or the OFW pass, no more questions on them. We can already determine in our system na legitimate OFW talaga sila. The others, itong mga presenting themselves na OFW na hindi naman and we refer them usually to IACAT or the NBI,” dagdag ng opisyal.

Tinanong ni Poe kung may mga inihain bang reklamo ang mga na-offload na pasahero dahil mayroong compensation package para sa kanila.

“There is supposedly a compensation package for them ha. Kailangan mabayaran ‘yung mga na-miss nilang flight, mga ganyan. Meron bang magre-report from any branch of the DOJ? Sa PAO meron bang nag-complain?” tanong ni Poe.

Sinabi naman ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta, na nakatanggap sila ng mga reklamo kaugnay sa offloading.

“Meron din po. Ang tinatanong daw sa kanila. ‘May pera kayo?’ ‘Pag walang dalang pera, hindi pinapalipad,” pagbabahagi ni Acosta.

Nang tanungin naman kung naresolba na ang mga reklamong ito, sinabi ni Acosta na sinasagot lamang ng PAO ang gastos sa ticket ng pasahero upang makabalik sa kani-kanilang mga probinsya.

Sinabihan ni Poe ang PAO na maaari silang kumuha ng reimbursement mula sa BI para sa mga perang sila ang nag-abono. RNT/JGC