Home NATIONWIDE 17 barko na sangkot sa dredging sa Zambales hinarang ng PCG

17 barko na sangkot sa dredging sa Zambales hinarang ng PCG

MANILA, Philippines – Hindi bababa sa 17 barko na sangkot sa dredging activities sa Zambales ang pinigil ng Philippine Coast Guard (PCG) habang sinusuri ang posibleng paglabag sa environmental protection, safety at security protocols ng gobyerno.

Ayon kay Rear Admiral Armando balilo, ang mga barkong ito ay pawang mga bareboat charter na nakarehistro sa bansa ngunit pagmamay-ari ng China Harbour Engineering Co.LTd., na nagsasagawa ng dredging operations sa Zambales partikular sa bayan ng san Felipe.

Ang mga barko ay nasa daungan sa Maynila matapos magsagawa ng marine environmental protection at vessel safety enforcement inspections ang mga tauhan ng PCG sa mga barkong ito mula Martes hanggang Huwebes.

Ayon kay Balilo, nakapagtala ng 344 na “deficiencies for adjudication” ang inspection teams sa Coast Guard Station Manila.

Nakakuha naman ang tauhan ng PCG sa isinagawang pag-iinspeksyon ng kopya ng inisyu na special permit at bareboat charter ng Maritime Industry Authority (MARINA) para ikumpara ito sa listahan ng mga natukoy na dredger at suction cutter sa lalawigang ito.

Sinabi ni Balilo na na-detain ang mga barko dahil sa paglabag sa “safety and manning requirements”.

Aniya, ang may-ari ay magmumulta at ang barko ay mapakakawalan sa oras na maitama na ang pagkukulang ng mga ito.

Nilinaw ni Balilo na ang mga sasakyang pandagat lamang at hindi ang mag tripulante ang hawak nila.

Aniya, ang mga tripulante ay pawang mga Pilipino.

Bukod sa 17 sasakyang pandagat, tatlo pang
dayuhang barko na sangkot sa dredging activities sa Zambales ang ininspeksyon din sa bayan ng Botolan noong Marso 19.

Ang mga sasakyang ito ay isang cutter suction dredger mula sa China, na natagpuang may anim na deficiencies, anchor boat mula sa Sierra Leone, na may pitong kakulangan; at isang tugboat mula sa Panama, na may 12 kakulangan.

Sinabi ni Balilo na ang mga dayuhang sasakyang pandagat ay hindi pinigil dahil ang mga ito ay “foreign-registered” at iba ang pamamaraan para rito.

Sinabi ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr na ang nasabing suspensyon ay magbibigay-daan sa mga lokal na opisyal na tugunan ang mga alalahanin ng ilang residente, karamihan sa mga mangingisda, na nagrereklamo tungkol sa masamang epekto ng mga aktibidad sa dredging sa kanilang kabuhayan at sa lokal na marine ecosystem. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBagong silang na sanggol, itinapon sa tabing-dagat
Next articleJhong, flinex ang music video ng anak!