Home NATIONWIDE 17 Pinoy seafarers na hinostage ng Houthi rebels balik-Pinas ngayong Huwebes

17 Pinoy seafarers na hinostage ng Houthi rebels balik-Pinas ngayong Huwebes

MANILA, Philippines- Darating na ngayong gabi ng Huwebes, Enero 23 ang 17 Filipino seafarers na binihag ng isang taon ng Houthi rebels.

Sa kumpirmasyon ng Department of Migrant Workers (DMW), alas-9:30 ngayong gabi lalapag sa bansa ang seafarers mula sa M/V Galaxy Leader.

Sa ulat, ang Filipino seafarers ay nasa pangangalaga na ng Philippine Embassy sa Muscat sa Oman matapos silang pakawalan ng mga Houthi rebels.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Ferdiannd Marcos Jr. ang Kanyang Kamahalan Haitham bin Tarik, Sultan ng Oman at ang kanyang buong administrasyon para sa kanilang matagumpay na pamamagitan na humantong sa pagpapalaya sa Filipino seafarers at iba pang tripulante.

Ang 17 Filipino seafarer kasama ng kanilang kapwa crew members ay hinostage ng Iran Houthi rebels noong 2023.

Ang MV Galaxy Leader ay hinijack ng Houthi rebels sa kasagsagan ng hidwaan ng Israel at Gaza. Jocelyn Tabangcura-Domenden