MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Department of Trasportation (DOTr) na plano nitong magtayo ng parehong underground rail line sa probinsya ng Cebu habang ang subway project sa Metro Manila ay nagsisimula nang mabuo.
Sinabi ni Transportation Undersecretary for Planning and Project Development Undersecretary Timothy John Batan na malaking tulong ang pagtatayo ng Cebu subway para maibsan ang pagsisikip ng trapiko lalo na sa mga lungsod ng lalawigan.
Ipinaliwanag ni Batan na tila wala nang iba pang opsyon kundi ang isang underground rail system sa Cebu dahil hindi tulad ng Metro Manila, ang lalawigan ay may makikitid na kalsada kaya hindi posible ang pagtatayo ng elevated rail line.
Sa ilalim ng Cebu masterplan, ang subway ay mayroong 60 hanggang 65 kilometrong rail line mula Danao City hanggang Carcar City.
Ngunit ayon kay Batan, ang ahensya ay magsasagawa ng demand study para matukoy ang bilang ng mga pasahero na maaring ma-acomodate ng subway.
Sa ngayon, plano aniya nilang simulan ang demand study para sa ridership upang magkaroon ng malinaw na ideya ang gobyerno sa tinatayang mga pasahero para sa Cebu subway.
Sa bahagi ng Metro Mania Subway Project (MMSP), ito ay kasalukuyan nang nasa 18.24 percent overall construction progress.
Kapag nakumpleto, ang rail system ay makababawas sa oras ng paglalakbay mula Valenzuela City hanggang Pasay City mula isang oras at 38 minuto sa 45 minuto na lamang habang nasa kalahating milyong pasahero kada araw ang maseserbisyuhan. Jocelyn Tabangcura-Domenden