Home METRO Magkaklase nilamon ng ilog

Magkaklase nilamon ng ilog

RIZAL- Hindi na makaaakyat ng entablado ang magkaklase na magtatapos ng senior high school matapos lamunin ng ilog ang mga ito habang naliligo sa sa Ungga falls sa bayan ng Baras.

Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang mga biktimang si John Mike Pacion, 18, residente ng Barangay Cupang, Antipolo Rizal at 17-anyos na dalagitang kaklase nito at kapwa graduating senior high student.

Batay sa report ng Baras Municipal Police Station, bandang alas-3 ng hapon noong Huwebes ay nagtungo ang apat na magkaklase kabilang ang dalawang biktima na sa Ungga Falls na matatagpuan sa Barangay San Salvador ng naturang bayan.

Pagdating sa nasabing lugar ay agad na lumusong ang dalagita subalit ilang minuto ang nakalipas ay nagkakaway na ito at humihingi ng tulong.

Hindi naman natiis ni Pacion na tingnan na nalulunod ang kaklase nito na kahit hindi gaanong marunong lumangoy ay sinikap pa rin niya itong tulungan.

Pagdating sa malalim na bahagi ng ilog, bigla na lamang naglaho ang dalawa kaya humingi na ng tulong sa mga awtoridad ang dalawang kaklase ng mga biktima.

Tumagal naman ng ilang oras ang pagsagip ang paghahanap ngĀ  rescuers sa katawan ng mga biktima at dinala ang mga ito sa ospital subalit idineklara na ringpatay ng mga umatending doktor. Mary Anne Sapico