Home NATIONWIDE Ballot printing kasado sa Enero 27 – Comelec

Ballot printing kasado sa Enero 27 – Comelec

MANILA, Philippines- Muling ipinagpaliban ang nakatakda sanang muling pag-imprenta ng opisyal na mga balota na gagamitin sa national at local elections sa Mayo.

Sa abiso ng Commission on Elections (Comelec), ang dapat sanang pagpapatuloy ng ballot printing bukas, Enero 24, ay muling inilipat sa ibang petsa o nire-schedule sa Enero 27, Lunes.

Gayunman, hindi pa inaanunsyo ang oras ng pag-imprenta ng balota na gaagwin sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.

Ito ay kasunod ng pag-atras ng senatorial candidate na si Francis Leo Marcos nitong Huwebes.

Ayon sa Comelec, si Marcos ay isa sa mga nabigyan ng temporary restraining order ng Korte Suprema na pumipigil sa desisyon ng komisyon na ideklara itong nuisance candidate ng Commission en banc.

Subalit, siya ay personal na nagtungo sa Comelec para maghain ng kanyang sworn statement of withdrawal of certificate of candidacy sa Comelec Law Deprtment.

Bukod sa re-schedule ng ballot printing, kinansela rin ang pag-upload ng ballot faces sa kanilang official website nitong Enero 23, 2025.

Ayon sa Comelec, iaanunsyo na lamang kung kelan ang uploading ng ballot faces. Jocelyn Tabangcura-Domenden