Home NATIONWIDE 170 kaso ng bullying sa estudyante naitala sa halos 2 buwan –...

170 kaso ng bullying sa estudyante naitala sa halos 2 buwan – DepEd

MANILA, Philippines – Nakatanggap ang Department of Education (DepEd) ng mahigit 170 kaso ng bullying sa mga estudyante sa loob lamang ng isang buwan at dalawang linggo.

Nakuha ng DepEd ang mga ulat mula Nobyembre 24, 2023 hanggang Enero 11, 2024.

Sinabi ng DepEd Learner Rights and Protection Office (LRPO) sa mga mamamahayag na 83 kaso ng physical bullying ang nakalap sa pamamagitan ng kanilang ‘Telesafe’ helpline.

Mayroon ding 28 verbal abuses at 27 cyberbullying.

Samantala, iniulat ng DepEd LRPO ang 40 kaso ng “bullying in general.”

Dahil dito, inutusan ng tanggapan ang mga panrehiyong yunit nito na magsumite ng mga ulat tungkol sa pambu-bully at iba pang anyo ng pag-atake kada quarterly.

Batay sa pag-aaral ng 2022 Program for International Student Assessment na inilabas noong Disyembre 5, isa sa bawat tatlong Pilipinong estudyante ang nakakaranas ng pambu-bully kahit isang beses sa isang linggo.

Bilang tugon, nagpapatupad ang DepEd ng mga anti-bullying program sa pamamagitan ng LRPO.

Para sa mga reklamo tungkol sa pambu-bully o iba pang uri ng pang-aabuso, mangyaring makipag-ugnayan sa DepEd LRPO sa mobile number 0945 175 9777 o sa pamamagitan ng email sa [email protected]. RNT

Previous articleTserman sa Zambo utas sa pamamaril
Next articleAlamin: Saradong daanan sa pista sa Pandacan