MANILA, Philippines – Naitala ang 19 volcanic earthquakes sa Mayon Volcano sa Albay sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Lunes.
Mula alas-12 ng madaling araw ng Linggo hanggang alas-12 ng madaling araw ng Lunes, naitala rin ang 297 rockfalls at 57 pyroclastic density currents (PDCs).
Kitang-kita ang crater glow sa ibabaw ng bulkan, at nagbuga ito ng 3,788 toneladang sulfur dioxide noong Linggo. May mga plumes din na naobserbahan, bagama’t natabunan ng ulap.
Nanatiling nasa Alert Level 3 (Intensified Unrest/Magmatic Unrest) ang Mayon dahil sa patuloy na panganib ng rockfalls, landslides, ballistic fragments, lava flows at lava fountaining, PDCs, katamtamang pagsabog, at lahars kapag may malakas at matagal na pag-ulan.
Binigyang-diin ng PHIVOLCS na ipinagbabawal ang pagpasok sa six-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ).
Ipinagbabawal din ang pagpasok sa Extended Danger Zone (EDZ) nang walang sapat na pag-iingat, at hindi dapat lumipad ang mga aircraft malapit sa Mayon. Santi Celario