MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes ang pagtuklas ng isang natural gas reservoir sa Malampaya Field na inaasahang magpapalakas sa suplay ng gas ng bansa sa mga susunod na taon.
Sa isang video message, sinabi ni Marcos na ang reservoir na tinawag na Malampaya East 1 o MAE-1 ay matatagpuan mga limang kilometro silangan ng kasalukuyang Malampaya Field sa offshore ng Palawan. Tinatayang naglalaman ito ng humigit-kumulang 98 bilyong cubic feet ng gas.
“Katumbas nito ang halos labing apat na bilyong kilowatt hour ng kuryente sa isang taon. Ibig sabihin, makakapagsuplay ito ng kuryente sa mahigit 5.7 milyong kabahayan, siyam na libo’t limang daan na gusali, o halos dalawang daan libong paaralan sa loob ng isang taon,” ani Marcos.
Sinabi ni Marcos na batay sa paunang pagsusuri, ang balon ay umagos sa 60 milyong cubic feet kada araw, na nagpapahiwatig ng potensyal na mas mataas pang produksyon at mas mataas na produktibidad kumpara sa orihinal na mga balon ng Malampaya.
Dagdag pa niya, kabilang sa natuklasan ang condensate, isang high-value liquid fuel, at makakatulong ito sa pagsuporta sa pagpapatatag ng suplay ng kuryente sa bansa.
Binanggit ni Marcos na mga Pilipino ang nanguna sa pag-drill at walang naiulat na hindi kanais-nais na insidente sa proseso.
Sinabi rin niya na ang MAE-1 ang unang milestone sa ilalim ng Malampaya Phase 4 drilling campaign, na kinabibilangan din ng Camago-2 at Bagong Pag-asa wells.
Ang susunod na hakbang ay ang pagkumpleto at pagsusuri ng Camago-3, kasunod ang pag-drill ng Pag-asa Exploration well upang maghanap ng karagdagang potensyal na gas resources.
Ang pagtuklas ay nagawa sa pamamagitan ng SC-38 Consortium na pinangunahan ng Prime Energy, kasama ang UC-38, PNOC Exploration Corporation, at Prime Oil and Gas Incorporated.
“Patunay ito na sa responsabling pangangalaga sa kalikasan at matibay na pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, makakamit natin ang mas maasahang supply ng enerhiya para sa bawat Pilipino,” ani Marcos. RNT