Home HEALTH 1M doses ng pertussis vaccine darating sa Hunyo – DOH

1M doses ng pertussis vaccine darating sa Hunyo – DOH

MANILA, Philippines – Inaasahang darating sa bansa ang nasa isang milyong doses ng pertussis vaccines, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado, Marso 23.

Ayon kay DOH spokesperson Dr. Eric Tayag, inaasahang bibili ang pamahalaan ng “between 800,000 and 1 million doses” sa mga susunod.

“Wala kaming percent, subalit ang nasa inventory namin ay nakapagbigay ang DOH sa Quezon City ng 1,500 doses at ito ay magagamit nila at habang hinihintay yung supply na baka sa June pa dumating,” ani Tayag sa isang press conference.

“Yung binibigay naming bakuna ay hindi naman single dose, pero multi-dose yun,” dagdag pa niya.

Aminado si Tayag na hindi sapat ang isang milyong doses ng pertussis vaccine na darating sa Hunyo dahil kailangan ng bansa ng nasa 1.9 milyon hanggang 2.1 milyong doses nito para masigurong lahat ng mga bagong silang na sanggol sa bansa ay makakatanggap ng bakuna.

Kabilang sa mga dahilan na nagdulot ng pagtaas sa kaso ng pertussis sa unang bahagi ng 2024 ay ang mababang vaccination rate sa bansa.

“Dahil natuon ang pansin natin sa COVID muna, medyo nasakripisyo ang ibang programa,” paliwanag ni Tayag.

“Hindi po ito paghuhugas ng kamay, pero ito po ang naobserbahan at nai-report hindi lamang ng Pilipinas, ngunit maging sa ibang bansa sa kasagsagan ng pandemiya.”

Hanggang nitong Marso 9, nakapagtala ang Pilipinas ng 167 kaso ng pertussis, karamihan ay mula sa Metro Manila, Calabarzon at Central Visayas.

Nasawi ang 35 na tinamaan nito.

Dahil sa sakit, idineklara na ang outbreak ng pertussis sa Quezon City at Pasig City. RNT/JGC

Previous article3 sugatan sa pamamaril sa Legazpi City
Next articleUPDATE: Patay sa pamamaril sa Moscow, 60 na!