MANILA, Philippines- Nakatakdang makipagpulong ang Commission on Elections (Comelec) sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Biyernes, Abril 11 para talakayin ang pinakabagong sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa buong bansa habang papalapit ang bansa sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, hihintayin ng komisyon ang rekomendasyon ng security cluster kung kailangan pang ilagay sa kontrol nito ang ibang bahagi ng bansa.
Sa Biyernes aniya ay magkakaroon sila ng command conference at pag-uusapan kung ano pang mga hakbang na dapat gawin at kung anong mga lugar pa ang kailangang ilagay sa Comelec control.
Nauna nang inilagay sa Comelec control ang bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte, kasunod ng pananambang sa election officer nitong si Atty. Bai Maceda Lidasan-Abo at ang kanyang asawang si Jojo sa Barangay Makir.
Sinabi ni Garcia na pinag-aaralan ng komisyon ang posibilidad na isailalim sa Comelec control ang dalawa pang lugar sa bansa.
Naitala kamakailan ang election-related violence (REI) sa bayan ng Lagangilang sa Abra kung saan namatay ang isang barangay chairperson at isang municipal councilor sa insidente ng pamamaril.
Kumbinsido si Garcia na may kinalaman sa eleksyon ang insidenteng ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden