TACURONG CITY, Sultan Kudarat- Natagpuang patay ang isang political coordinator ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa President Quirino, Sultan Kudarat sa bayan ng Pandag, Maguindanao del Sur, ayon sa mga pulis nitong Miyerkules.
Kinilala ni Lieutenant Colonel Jopy Ventura, nagsasalita para sa kapulisan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang biktima na si Modesto Tamayo, 57, ng Barangay Romualdez, President Quirino.
Batay sa police reports mula sa Pandag municipal police office, sinabi ni Ventura na natagpuang patay si Tamayo, na may ilang saksak iba’t ibang bahagi ng katawan, nitong Martes ng umaga sa Barangay Malangit ng Pandag.
Inihayag ni Marlon Villa, kandidato sa pagka-bise alkalde ng President Quirino sa ilalim ng PFP, na si Tamayo ang kanyang municipal coordinator at tumutulong sa kanyang kampanya.
Sinabi ni Villa na dinukot ng mga hindi nakilalang kalalakihan si Tamayo mula sa kanyang bahay bandang alas-6 ng hapon noong Lunes at pilit siyang isinakay sa isang puting van na mabilis na tumakas.
Inihayag ng anak ni Tamayo na dumating ang gunmen sa kanilang tahanan at kinaladkad ang kanyang ama patungo sa nakaabang na puting van.
“We were traumatized, we were helpless since they carry firearms,” anang anak ng biktima na nakiusap na itago ang kanyang pagkakakilanlan.
Aniya, nang matagpuan, hindi na makilala ang kanyang ama dahil sa mga sugat sa kanyang mukha at iba’t ibang parte ng katawan.
Hustisya ang sigaw ng pamilya ng biktima, na ayon sa anak nito ay walang kaaway at “everybody’s friend in the village.”
Inaalam pa ng mga awtoridad sa Pandag at President Quirino ang motibo sa likod ng krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin. RNT/SA