MANILA, Philippines – Patay ang dalawang pasahero at sugatan ang iba pa sa banggaan ng pampasaherong lantsa at water taxi sa karagatan ng Verde Island sa Batangas nitong Miyerkules, Enero 31.
Sa ulat ng sitwasyon, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang passenger ferry na Ocean Jet 6 ay patungo sa Calapan City, Oriental Mindoro mula Batangas, habang ang water taxi na Hop & Go 1 ay patungo sa Batangas mula Puerto Galera nang ang naganap ang insidente.
Iniulat ni Coast Guard Station Batangas commander Capt Jerome Jeciel na namatay ang kapitan at isang crew ng Hop & Go 1, habang sugatan ang dalawang pasaherong Chinese.
Lulan ng water taxi ang dalawa pang pasaherong Chinese at isang pasaherong Swedish sa insidente.
Nagbigay ng kanilang sinumpaang salaysay ang dalawang natitirang crew ng Hop & Go 1 sa PCG Substation Puerto Galera matapos ang insidente.
“Sa kabuuan, ang Hop & Go 1 ay may sakay na apat na Filipino crew at limang dayuhang pasahero,” sabi ni Jeciel.
Sa kabilang banda, ligtas at nasa maayos na pisikal na kondisyon ang lahat ng 115 na pasahero at 19 na tripulante ng Ocean Jet 6 pagdating sa Calapan Port.
Ipinag-utos ni PCG commander Adm Ronnie Gil Gavan ang imbestigasyon sa banggaan para matukoy ang sanhi ng aksidente. Jocelyn Domenden Tabangcura