MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal na sangkot sa recruitment ng mahigit 200 Pinoy na nasagip sa scam hubs sa Myawaddy, Myanmar, sinabi ng Bureau of Immigration (BI) nitong Lunes, Marso 31.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, hinuli ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang suspek na kinilalang sina “Fiona” at “Jon Jon” sa dalawang magkahiwalay na operasyon.
Si alyas Fiona ay naaresto ng PNP sa Zamboanga matapos ituro ng mga biktima na nagsaaayos ng kanilang “illegal exit” sa pamamagitan ng backdoor.
Sinabi ng mga biktima na kinumbinsi umano sila ng suspek na umalis sa bansa nang illegal sa pamamagitan ng backdoor sa pag-aalok ng trabaho abroad bilang customer service representatives.
Samantala, si alyas Jon Jon naman ay naaresto ng NBI matapos na ituro ng kanyang mga kasamahan.
Ang suspek ay kabilang sa mga naunang nasagip sa Myanmar ngunit kalaunan ay napag-alaman na isa pala sa mga recruiter na nag-alok ng trabaho sa Thailand ngunit kalaunan ay ibiniyahe ang mga biktma patungong Myanmar kung saan sila nakaranas ng pang-aabuso at pwersahang pagtatrabaho bilang mga scammer.
“This is a problem of migrant workers being lured by false promises, with all of them leaving under false pretenses or via illegal means,” ani Viado.
“As a member-agency of the IACAT, we vow to continue doing our share to protect our kababayan from being victimized,” dagdag niya.
Hanggang nitong Marso 25, nasa kabuuang 30 Filipino na mga biktima ng human trafficking ang nakabalik na sa Pilipinas matapos masagip sa mga scam hub sa Myawaddy, Myanmar.
Sa kasunod na araw ay mayroon pang 176 Filipino repatriates ang dumating mula Myanmar.
Noong nakaraang linggo ay sinibak ng BI ang pitong mga tauhan nito na sangkot umano sa illegal na paglabas ng mga biktimang Pinoy. RNT/JGC