Home NATIONWIDE Task force na tututok sa public transport modernization program binuo ng DOTR

Task force na tututok sa public transport modernization program binuo ng DOTR

MANILA, Philippines – Bumuo ang Department of Transportation (DOTr) ng special committee na susuri sa Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan.

Sa special order na pirmado ni Transportation Secretary Vince Dizon, layon ng komite na kumonsulta sa iba’t ibang stakeholder, suriin ang kasalukuyang status at pag-usad ng PTMP, at tukuyin ang mga isyu o pangamba sa naturang programa.

Inaasahan din na magpapasa ito ng mga rekomendasyon sa Office of the Secretary sa loob ng isang linggo matapos ilabas ang kautusan, maging ang pagsasagawa ng iba pang mga trabaho para mapabilis ang implementasyon ng programa.

Pangungunahan ni Undersecretary for Road Transport and Non-Infrastructure Ramon Reyes ang komite.

Magsisilbi ring isa sa mga miyembro ng komite si newly appointed chairperson ng Office of the Transportation Cooperative at dating Cainta Mayor at broadcaster Mon Ilagan.

Nitong Lunes, Marso 31, ay nagkaroon ng dialogue ang DOTR sa transport group na MANIBELA na humihiling sa ahensya na payagan silang i-renew ang kani-kanilang provisional authorities.

Ito ay kasunod ng pagsasagawa ng tatlong araw na transport strike ng grupo bilang protesta sa PUV modernization program. RNT/JGC