Home METRO Ina nakabigti, anak naagnas sa loob ng inuupahang bahay

Ina nakabigti, anak naagnas sa loob ng inuupahang bahay

210
0

CEBU CITY – Nakabigti at wala nang buhay ang isang ina habang naaagnas na ang anak na natagpuang nakahiga sa kama sa loob ng kanilang inuupahang bahay.

Kinilala ang mga nasawi na 33-anyos na nanay at 1-taong gulang nitong anak, parehong residente ng Sitio Nangka, Barangay Barrio Luz, Cebu City.

Batay sa report ng Mabolo Police Station, nadiskubre ang bangkay ng mag-ina sa loob ng kanilang silid sa nasabing lugar noong Huwebes ng hapon, Hulyo 17, 2025.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na kalilipat lamang ng mag-ina sa nasabing lugar mula sa Bogo City.

Ayon sa anak ng may-ari ng bahay, nagtungo siya sa bahay ng mag-ina upang ayusin ang linya ng kuryente subalit habang papalapit ay nakaamoy na siya ng masangsang na amoy.

Kinatok niya ang pintuan ng mag-ina subalit walang sumasagot dahilan para humingi na siya ng tulong sa barangay.

Sapilitang binuksan ang pintuan ng mag-ina at dito tumambad ang ina na nakabigti sa itaas ng kama gamit ang lubid, habang ang kanyang anak ay halos naaagnas na nakahiga sa double deck bed.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya para alamin kung may naganap na foul play sa nasabing insidente. (Mary Anne Sapico)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here