MANILA, Philippines – Pansamantalang nasa kustodiya ng Nagcarlan Municipal Police Station ang isang madrasto (stepfather) makaraang tagain ang 19-anyos na anak ng kanyang kinakasama nang pagbawalan itong mag-inuman at dahil sa selos, sa Barangay Kanluran Kabunuhayan, Nagcarlan, Laguna.
Kinilala ang biktima, na kasalukuyang ginagamot sa Provincial District Hospital sanhi ng tinamong sugat sa kaliwang braso, na si JM Aberia y San Juan, 19, binata, at residente ng nabanggit na lugar.
Samantala, ang suspek na kaagad na sumuko sa kanilang barangay hall ay nakilalang si alyas Alexander, 38, residente rin ng naturang lalawigan.
Base sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas-11:00 kagabi nag-iinuman ang biktima at ang kaibigan nito nang biglang dumating ang madrasto at pinagbawalan ang mga ito.
Napag-alaman na kinompronta umano ng biktima ang kanyang stepfather na humantong sa pagtatalo, kung saan tinaga ng suspek ang stepson nito.
Nabatid sa ulat na hinihinalang pinagselosan ng suspek ang isa sa mga kainuman ng biktima at ang kinakasama ng suspek. (Ellen Apostol)