GENERAL SANTOS CITY – Nasa hot water ngayon ang limang pulis sa lungsod na ito matapos ireklamo ng pangingikil ng ₱50 mula sa isang motorista bilang “pambayad-merienda.”
Ayon kay PCol. Nicomedes Olaivar Jr. ng General Santos City Police, ang mga pulis na hindi pinangalanan ay pawang mga nakatalaga sa Police Station 5, Barangay Tambler, na may ranggong police sergeant, corporal, at patrolman.
Aniya, inalis sa kanilang puwesto ang limang pulis at kasalukuyang nasa restrictive custody. Inalisan na rin ang mga ito ng service firearm.
Sinabi ni Olaivar na noong Hulyo 9, isang reklamo ang natanggap ng PNP Kalasag 911, kung saan inakusahan ang mga pulis ng pangingikil ng halagang ₱50 mula sa isang motorista na mula sa Banga, South Cotabato.
Ang Kalasag 911 ay integrated support system ng PNP para sa pambansang 911 emergency response program, na layong magbigay ng agarang tulong sa publiko.
Base sa reklamo, pinara ng mga pulis sa checkpoint sa Tambler ang isang tricycle na may sakay na babae at ang kanyang buntis na anak papuntang General Santos City mula Maasim.
Bago sila pinayagang dumaan, umano’y humingi ang mga pulis ng ₱50 para sa “merienda.”
Samantala, ipinag-utos ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, regional director ng PNP-Soccsksargen, ang reshuffle ng lahat ng police station commanders sa lungsod bilang tugon sa nasabing alegasyon.
“Sinumang pulis na lalabag sa batas ay pananagutin. Hindi kinukunsinti ng PNP ang anumang uri ng pang-aabuso o maling asal,” ani Ardiente.
Dagdag pa niya, bahagi ito ng pagsisikap ng PNP na mapabuti ang serbisyo publiko. (Mary Anne Sapico)