Home NATIONWIDE 3 PDLs wagi sa BSKE 2023

3 PDLs wagi sa BSKE 2023

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tatlong deprived of liberty (PDLs) na kumandidatong kagawad ang nanalo sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Oktubre 30.

Ani BJMP Director Ruel Rivera na walo ang kabuuang bilang ng PDLs ang tumakbo at tatlo nga rito ang nanalo.

Sa isang pahayag, binanggit ni Rivera na dalawa sa mga nasabing PDL ang kasalukuyang nakakulong sa Tanay at Dasmariñas City Jails, habang ang pangatlong preso na nakakuha ng barangay councilor seat ay mula sa Cagayan de Oro City.

“Tatlong PDLs ang nanalo pero ito ay partial at unofficial status dahil ang Comelec [Commission on Elections] po ang mag-a-announce noon,” paglilinaw naman ni Rivera.

Sinabi ni Rivera na 26,268 o humigit-kumulang 90 porsiyento ng 29,288 na mga botante ng PDL ang bumoto sa katatapos na botohan, at idinagdag na walang nangyaring hindi kanais-nais na insidente sa proseso ng halalan.

Sa kanyang panig, ipinunto ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na ang tagumpay ng tatlong PDL ay tanda ng isang aktibo at gumaganang demokrasya sa Pilipinas.

“PDLs winning in the 2023 BSKE shows na ang demokrasya ay talagang nirerespeto natin and the Filipinos’ right to vote,” ani Abalos.

Gayunpaman nilinaw ni Abalos na ang kakayahan ng mga nanalo na magsilbi ay nakasalalay sa kinalabasan ng kanilang mga kaso.

“Kung acquitted siya, makakapagsilbi siya, makakalabas eh. Pero kapag guilty ay malamang ay disqualified,” aniya pa. Santi Celario