Home METRO 3 sugatan sa sunog sa Makati

3 sugatan sa sunog sa Makati

MANILA, Philippines – Tatlong indibidwal na kinabibilangan ng dalawang fire volunteers at isang sibilyan na empleyado ng Poblacion Fire Station ang sugatan sa sunog na sumiklab at tumupok sa mga kabahayan ng isang residential area sa Makati Lunes ng hapon, Hunyo 10.

Hindi na pinangalanan ang mga biktimang nagtamo ng paltos at sugat sa kanilang katawan na naiulat namang mga nasa maayos na kondisyon na sa kasalukuyan.

Base sa report ng Makati City Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog dakong ala 1:35 ng hapon sa isang bahay sa residential area na matatagpuan sa panulukan ng J.P. Rizal Avenue at Zapote Street, Barangay Olympia, Makati City.

Umabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog na naitala bandang ala 1:40 habang naideklarang naman ang fire out dakong alas 3:52 ng hapon.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Makati BFP upang matukoy ang pinagmulan ng apoy pati na rin ang halaga ng pinsala ng naturang sunog. (James I. Catapusan)