Home NATIONWIDE 3 timbog sa P114.5-M tobats sa NAIA Complex

3 timbog sa P114.5-M tobats sa NAIA Complex

176
0

MANILA, Philippines – Sa ikinasang interdiction operation ng mga operatiba ng NAIA Inter-Agency Drugs Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), nadakip ang tatlong suspek na nakuhanan ng P114,566,400 halaga ng shabu, Huwebes ng gabi, Enero 8.

Sa report ng NAIA-IADITG ay kinilala ang mga nadakip na suspek na sina alyas Luis, 58, ng Caloocan City; alyas Fernando, 61, kapwa mga broker representative, residente ng Pasay City; at isang alyas Efren, 35, porter ng Port Area, Manila.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng NAIA-IADITG, naganap ang pag-aresto sa mga suspek sa ikinasang interdiction operation dakong alas 6:54 ng gabi sa Pairpags Center, NAIA Complex, Pasay City.

Ang mga nakumspiskang shabu na tumitimbang ng 16,848 gramo o mahigit 16 na kilo na nagkakahalaga ng P114,566,400 ay nasa nakapaloob sa apat na kahon na nakasilid sa mga kulay berdeng figurine at nakahalo sa iba’t-ibang bagay tulad ng mga green marble stones at tig-tatlong pirasong tissue paper.

Narekober din sa posesyon ni alyas Efren ang isang itim na sling bag na may tatak na porter na naglalaman ng dalawang mobile phones; isang susi ng motorsiklo; puting envelope; itim na card holder na naglalaman ng

ATM, original receipt (OR) ng sasakyan, at pitong iba’t-ibang identification cards.

Nakuha din kay alyas Fernando ang isang itim na sling bag na may tatak na Nike na naglalaman ng mobile phone, tiket ng lotto, at kanyang senior citizen ID, at isang kulay itim at pula na helmet; habang narekober naman kay alyas Luis ang isang kulay asul na sling bag kung saan natangpuan ang kanyang 2 company ID, mobile phone, bente pesos na barya, per ana may kabuuang halaga na P34,885 at isang kulay puti na bull cap na may tatak na Adidas.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa laboratory examination.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 ng RA9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang tatlong inarestong suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA-IADITG.

Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng iba’t-ibang operatiba na kinabibilangan ng PDEA RO NCR; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); Bureau of Immigration (BI); at ng Office for Transportation Security (OTS). (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here