Home HOME BANNER STORY 3M bagong botante target ng Comelec sa 2025 polls

3M bagong botante target ng Comelec sa 2025 polls

MANILA, Philippines – Target ng Commission on Elections (Comelec) na mairehistro ang tatlong milyong bagong botante sa paparating na 2025 national and local elections (NLE).

Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia nitong Miyerkules, Enero 10 na maglulunsad ang komisyon ng malawakang information dissemination upang maturuan ang publiko sa proseso at requirements sa voter registration.

Nauna nang sinabi ng poll body na ang voter registration para sa 2025 NLE ay posibleng simulan sa Pebrero hanggang Setyembre 2024.

“Ang gusto natin, ang projection natin na registered voters ay mga 3 million na mapapadagdag sa 68 million na voters sa kasalukuyan,” pagbabahagi ni Garcia.

Nakatakdang maglabas ng amended guidelines ang Comelec sa registration kabilang ang pagbabawal sa paggamit ng company-issued identification (ID) cards para makapagparehistro.

“Bawal na po ang company IDs. Hindi na po natin papayagan ang company ID, dapat po government-issued lamang ang pupwede magparehistro,” ani Garcia.

“Ang dami nakita na umabuso. Alam ninyo naman, pwede mag-mass produce ng napakadaming company ID… Di na papayagan ‘yung ganiyan,” dagdag pa niya.

Samantala, palalawakin din ng Comelec ang implementasyon ng “Register Anywhere Project”, na magbibigay ng pagkakataon sa kwalipikadong botante na magparehistro sa mga booth sa ilang establisyimento katulad ng mga mall para sa 2025 NLE.

“Ipapatupad na po sa buong bansa sa lahat ng highly-urbanized cities at municipalities or cities na capital ng isang probinsya, ipapatupad na po natin,” dagdag ni Garcia.

Nanawagan din ang opisyal sa overseas Filipinos na magparehistro na, sabay-sabing magpapatupad ng internet voting ang Comelec sa paparating na eleksyon.

“Sa mga overseas Filipinos, ongoing po ang registration of voters sa inyo. ‘Yan po ay tatagal hanggang December 2029 na ito. Kaya sana po magparehistro sapagkat magkakaroon na po tayo ng internet voting,” aniya.

Sa huling voter registration, nakatanggap ang Comelec ng nasa 2.5 milyong aplikante mula Disyembre 2022 hanggang Enero 2023. RNT/JGC

Previous articleOWWA nagbabala vs fake social media accounts na nag-aalok ng pautang
Next articleLegal documents sa kaso ni Mary Jane Veloso naipadala na sa Jakarta – DFA