MANILA, Philippines – Isang 4-anyos na batang babae ang nalunod habang nagdaraos ng masayang team-building ang mga pamilya at empleyado sa isang resort sa Antipolo City.
Sa paunang imbestigasyon ng Antipolo City Component City Police Station (CCPS), bandang alas-11:00 ng umaga sa isang resort sa Taktak Road, Barangay Sta. Cruz, naganap ang insidente kung saan isinasagawa ang team-building event ng mga empleyado ng Concentrix kasama ang kani-kanilang pamilya.
Ayon sa salaysay ng ina, nagsimulang hanapin nito ang bata matapos ang orientation o talakayan tungkol sa mga aktibidad ng programa.
Laking gulat ng lahat nang matagpuan ang biktima na nakalubog sa ilalim ng swimming pool.
Mabilis na tumalon sa tubig ang isa sa mga dumalo upang sagipin ang bata.
Isinailalim pa ito sa cardiopulmonary resuscitation (CPR), ngunit hindi na ito nagkamalay.
Dali-dali siyang isinugod sa isang ospital sa Antipolo, subalit patay na siya nang idating sa pagamutan.
Sa mas malalim na imbestigasyon, lumabas na huling nakitang naglalaro ang bata kasama ang iba pang mga bata sa gilid ng swimming pool at wala umanong nakabantay na nakatatanda.
Pinaniniwalaang aksidente siyang nahulog sa mas malalim na bahagi ng pool at hindi agad napansin ng mga kasama hanggang sa matagpuan na lamang siyang nakalubog.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulisya sa insidente habang muling pinaaalalahanan ang mga magulang at event organizers na tiyaking may sapat na pagbabantay sa mga batang nasa paligid ng mga swimming pool upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya. MARGIE BAUTISTA