Home METRO Sekyu natagpuang patay habang naka-duty sa Cavite

Sekyu natagpuang patay habang naka-duty sa Cavite

18
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang 22-anyos na security guard nang matagpuang duguan habang naka-duty sa isang commercial complex sa Barangay Anabu 1-F, Imus City, Cavite.

Sa report ng pulisya, kinilala ang biktima na si alyas “Justine”, residente ng Barangay Molino 3, Bacoor City.

Base sa ginawang imbestigasyon dakong alas-6:00 ng umaga nang matagpuan ang biktima ng kanyang ama na nakahandusay at duguan nang dumating sa lugar upang pumalit sa duty ng kanyang anak sa trabaho.

Mabilis na naisugod ang biktima sa Ospital ng Imus subalit idineklara itong dead on arrival (DOA) ayon sa attending physician na si Dr. Palad na tumingin rito.

Batay sa salaysay ng ama ng biktima, napansin niyang wala na sa lugar ang isang parking attendant na kilala lamang sa alyas na “Buknoy,” na umano’y madalas na nakatambay sa naturang lugar.

May itinuturing na person of interest sa pangyayari na siya ngayong iniimbestigahan.

Agad namang rumesponde ang mga imbestigador ng Imus Component City Police Station (CCPS) upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at alamin ang motibo sa krimen.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya habang pinaghahanap ang posibleng may kinalaman o responsable sa pagkamatay ng biktima. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here