MANILA, Philippines – Isang 46-anyos na barangay secretary ang sugatan makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang naglalakad patungo sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Brgy. San Vicente, Angono, Rizal.
Ayon sa report ng Angono Municipal Police Station (MPS), dakong 8:00 ng umaga nang lapitan ng dalawang lalaki ang biktimang barangay secretary ng Brgy. San Vicente ng nasabing lugar.
Bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at sunud-sunod na nagpaputok.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang dalawang suspek sakay ng isang scooter motorcycle patungo sa direksyon ng Brgy. Kalayaan.
Agad namang isinugod ang biktima sa Angono General Hospital, bago inilipat sa Amang Rodriguez Medical Center sa Marikina City.
Inilarawan ang gunman na nakasuot ng puting long sleeves, itim na pantalon at itim na sapatos, habang ang kanyang kasamahan ay nakasuot naman ng itim na T-shirt at shorts.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakikilala ang mga suspek at nananatili silang pinaghahanap ng pulisya.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng pamamaril at matunton ang mga responsable sa nasabing insidente. MARGIE BAUTISTA