MANILA, Philippines- Kinondena ng Department of Agriculture (DA) ang daan-daang African swine fever (ASF)-infected hogs na naharang sa iba’t ibang checkpoints sa National Capital Region (NCR).
“Mga 400 na iyong ibinaon naming may sakit at para kaming nagpapatintero nitong mga biyaherong bumibili ng may sakit,” ayon kay DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica.
Sinabi pa nito na ang “stringent biosecurity o border control measures” ay isa lamang sa mahahalagang estratehiya ng DA sa pagkontrol sa muling pagkabuhay ng kaso ng ASF sa bansa.
Sa ngayon, sinabi ni Palabrica na mahigit 70 personnel ng DA at Bureau of Animal Industry (BAI) ang naka-deploy sa mga checkpoints sa Metro Manila at kalapit-lalawigan.
Samantala, may 41 bakunadong “healthy at ASF-free hogs” aniya sa dalawang mga sakahan sa likod-bahay sa Lobo, Batangas ang patuloy na mino-monitor.
“Ngayong araw na ito ay ika-labing-apat na araw mula noong ating binakunahan iyong first batch sa Lobo. At ngayong araw din na ito ay kukunan ng dugo upang makita kung nag-react ba iyong baboy,” aniya pa rin.
Tinukoy ang pangangailangan na i-monitor ang development ng antibodies sa hanay ng vaccinated growers.
Base sa pag-aaral, ang mga baboy ay dapat na maka-develop ng 40% ng antibodies sa ika-14 hanggang ika-15 araw at 90 hanggang 95% naman na antibodies matapos ang 30 araw.
Gayunman, sinabi ni Palabrica, umabot na sa lima hanggang anim na bakunadong baboy ang namatay.
Binigyang-diin nito ang pangangailangan para sa isang “stringent biosecurity measure” kahit pa sa mga bakunadong baboy para masiguro ang bisa ng bakuna sa pag-develop ng antibodies.
Sa ngayon, ang iba pang natitirang bakunadong baboy ay nagpapakita ng positibong pagtugon sa AVAC live vaccines.
Nauna rito, nangako naman ang DA na gagamitin nito ang 10,000 doses ng AVAC live vaccines sa Batangas ngayong buwan ng Setyembre. Kris Jose