Home NATIONWIDE Hirit na hospital arrest ni Quiboloy sa Davao, tinabla ni Risa: ‘Wag...

Hirit na hospital arrest ni Quiboloy sa Davao, tinabla ni Risa: ‘Wag umastang Diyos’

MANILA, Philippines- Matinding tinabla ni Senador Risa Hontiveros ang kahilingan ni Pastor Apollo C. Quiboloy na isailalim siya sa hospital arrest sa Davao City sa kabila ng patong-patong na kaso ng pang-aabuso sa kabataan at human trafficking.

Sinabi ni Hontiveros, chairman ng Senate committee on women na nag-iimbestiga sa kaso ni Quiboloy, na seryosong krimen ang kinahaharap nito kaya hindi dapat mamili ng anumang sitwasyon na makabubuti sa kanya.

“Seryosong mga krimen ng human trafficking, rape, at child abuse ang kinakaharap ni Apollo Quiboloy,” ayon kay Hontiveros.

Aniya, dapat pantay-pantay ang pagtrato sa lahat ng akusado, anuman ang katayuan o koneksyon sa buhay tulad ni Quiboloy na maimpluwensya sa Davao City dulot ng ugnayan nito sa pamilya Duterte.

“Dapat walang special treatment sa kanya. Napaka-entitled at wala sa lugar ang paghiling niya ng hospital arrest sa Davao. Bakit nga ba sa Davao? Dahil ba may isang kaibigan siyang maimpluwensiya doon?” giit ni Hontiveros.

Aniya, walang karapatan si Quiboloy na mamili kung saan siya gustong makulong tulad ng pangkaraniwang kriminal, kailangang iselda siya sa akma at kaukulang kulungan.

“Wala din siyang karapatan na mamili kung saan niya gustong ma-detain. Wala na siya sa loob ng “King Dome,” kaya huwag na siyang mag-astang Diyos,” anang senador.

Nitong nakarang araw, ipinalutang ng abogado ni Quiboloy na nakatakda siyang magsampa ng petisyon sa korte upang isailalim ang pastor sa hospital arrest sanhi ng sinasabing sakit ng “appointed son of god.” Ernie Reyes