Home NATIONWIDE 44 aktibong kaso ng OFWs naendorso na sa DMW

44 aktibong kaso ng OFWs naendorso na sa DMW

MANILA, Philippines- Karamihan sa oversaes Filipino workers (OFWs) na nagkaroon ng kaso at nasa death row ay nasa Middle East at Asian countries, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Asec. Levinson Alcantara, ang OIC Undersecretary for Foreign Employment and Welfare Services ng DMW na karamihan sa naunang nabanggit na higit 88 mga kaso ng overseas Filipino workers (OFWs) ay hinahawakan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ang iba ay naendorso na sa DMW.

Aniya, nasa 44 aktibong kaso ang naendorso na sa DMW.

Ayon pa kay Alcantara, nagpapatuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) sa proceedings ng kanilang mga kaso dahil ang dalawang ahensya aniya ang pangunahing kumakatawan.

Gayunman, sinabi ni Alcantara na kapag ang OFW ay may iba pang pangangailangan ay naroon ang DMW para sila ay gabayan o tulungan.

Ang DMW sa bisa ng Republic Act 11641, binigyan aniya ang ahensya ng karagdagang tungkulin at ito ay pamahalaan ang action fund, agarang kalinga at saklolo sa mga OFW na nangangailangan.

Mayroon ding migrant offices na nakatalaga upang namo-monitor ang mga kaso, nadadalaw sa ospital o sa preso ang OFWs at nabibigay ang kanilang pangangailangan habang nagsisilbi ng kanilang hatol o kaya habang gumugulong ang kanilang kaso ay naroon ang DMW upang magbigay ng assistance. Jocelyn Tabangcura-Domenden