MANILA, Philippines- Walang kinalaman ang reassignment ng 65 tauhan ng Davao City Police Station sa kasalukuyang political situation sa bansa, ayon sa police officials nitong Huwebes.
Sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na ang mga tauhang ito, na nauna nang sinibak dahil sa umano’y “tampering” ng crime statistics, ay ni-reassign sa apat na rehiyon.
Kabilang sa mga nalipat ang 32 Police Commissioned Officers (PCOs) at 33 Police Non-Commissioned Officers (PNCOs).
Kasama sa grupo ang mga opisyal na nagsilbing station commanders ng police stations sa Davao City.
Ang Davao City ang balwarte ni Vice President Sara Duterte, na matatandaang binatikos sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez, at nagbantang ipatutumba ang mga ito sakaling mauna siyang mapatay.
“The reassignment underwent the normal process and those re-assigned involved the officers during the time of Police Brig. Gen. Nicolas Torre as director of the Police Regional Office (PRO) 11. There is no politics here. It just so happened that this (re-assignment) was only implemented now,” wika ni Fajardo.
Sa na-reassign na mga pulis, 24 ang itinalaga sa Mimaropa (Mindoro Oriental and Occidental Marinduque, Romblon and Palawan), 21 sa Cordillera Administrative Region, 12 sa Bicol at walo sa Cagayan Valley.
“They were relieved and facing investigation for maintaining double blotter. It is normal for a police officer under investigation to be relieved so as not to influence the conduct of the investigation,” sabi ni Fajardo.
Noong Hulyo, ipinag-utos ni Torre na sibakin ang police officers matapos madiskubre ang pakikialam umano sa crime statistics sa Davao region sa pamamagitan ng double blotter, na aniya ay ilegal.
Ani Torre, kasalukuyang pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), binigyang-daan ng pakikialam sa crime statistics na mabusisi ng PNP strategists ang crime situation sa Davao City.
“Una bawal yun okay lang na for recording purposes meron silang redundancy. The problem is nafind out natin noon na ang isang blotter ay yun lang ang nirereport kaya lumalabas na ganito lang karami ang certain crimes tapos sa official blotter yun lang talaga ang hindi maitago. So yun ang rason na skew ang data,” pahayag ni Torre sa parehong press briefing.
“Pinapa konti ang mga insidente so what happens if we used skewed statistics, ang mangyayari ang ating programa ay hindi magiging responsive kung ano ang nangyayari sa ground at palabasin natin na ito ay peaceful pero ang totoo naman pala ay may mga dapat trabahuhin pa kaya kailangan madisiplina yung ganung klaseng pulis. Ang solusyon ay tabletop exercises, hindi actual na solusyon na talagang nag intervene doon sa actual na problems,” dagdag niya. RNT/SA