Home NATIONWIDE 45 Pinoy galing Lebanon, makakauwi na sa Pilipinas ngayong lingo

45 Pinoy galing Lebanon, makakauwi na sa Pilipinas ngayong lingo

MANILA, Philippines – Nasa 45 overseas Filipinos ang makakauwi na sa Pilipinas mula sa Lebanon ngayong linggo kasabay ng tumataas na tensyon sa pagitan Lebanon at Israeli forces.

Ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nasa 15 Filipino sa Lebanon ang napauwi na nitong weekend, at mayroon pang 45 na sumali sa voluntary repatriation ngayong lingo.

Makatatanggap ng P100,000 mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration ang lahat ng mga umuwi mula Lebanon.

“The good news is there are no Filipinos living at the border in southern Lebanon and northern Israel but there are a few hundred living in the southern cities,” ani Cacdac sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Sa kasalukuyan ay mayroong 11,300 Pinoy sa Lebanon. Karamihan sa mga ito ay nakatira sa Beirut o malapit dito.

Ani Cacdac, nagsimula ang voluntary repatriation sa Lebanon noong Oktubre 2023 matapos ang paglulunsad ng pag-atake Hamas sa Israel noong Oktubre 7.

Naghahanda na ang Philippine Embassy sa Lebanon ng evacuation routes sa oras na tumindi pa ang sitwasyon sa naturang bansa at itaas sa Alert Level 4 o mandatory repatriation.

Nakahanda ang mga ahensya ng Pilipinas na mag-alok ng onsite, repatriation, at arrival assistance sa mga uuwing Pinoy.

Umabot na sa 580 katao ang nasawi sa Lebanon dahil sa cross-border violence sa pagitan ng Lebanon at Israel.

Karamihan sa mga nasawi ay mga Hezbollah fighter, kabilang ang nasa 128 sibilyan. RNT/JGC