Home NATIONWIDE Independent contractor na sangkot sa reklamo ni Sandro Muhlach idinitene sa Senado

Independent contractor na sangkot sa reklamo ni Sandro Muhlach idinitene sa Senado

MANILA, Philippines – Ipina-cite in contempt ng Senate Committee on Public Information and Mass Media nitong Lunes, Agosto 19 si Jojo Nones, isa sa dalawang independent contractors ng GMA Network na inakusahan ng sexual assault ni Sparkle artist Sandro Muhlach.

Ang mosyon ay isinagawa ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado kung saan paulit-ulit na itinanggi ni Nones ang alegasyon na sinabihan nila si Muhlach na humithit ng illegal na droga bago ito tuluyang abusuhin.

Samantala, inaprubahan ni Senador Robin Padilla, chairman ng panel, ang mosyon.

Si Muhlach ay dumalo virtually sa pagdinig ng Senado.

“Maliwanag na maliwanag na sinabi ni Sandro may drugs pang involved. May sexual harassment na involved. Hindi nga lang sexual harassment eh. Assault eh. Pinagsamantalahan niyo ‘yung bata, pinag-take niyo ng drugs ‘tsaka niyo pinagsamantalahan…Sige you continue denying it,” ani Estrada.

“These are allegations po…We deny po the allegations,” tugon ni Nones.

Bukod sa usapin patungkol sa “drug-induced sexual assault”, ginisa rin ng mambabatas si
Nones sa pagtangging inalok nila si Niño Muhlach, ama ni Sandro, na magbibigay ng financial assistance sa charitable institution na pipiliin ni Niño.

Unang ibinunyag ni Nino Muhlach ang alok na ito sa naunang pagdinig ng Senado, sa pagsasabing ito ay suhestyon ng dalawang independent contractors sa harap ni GMA senior vice president Annette Gozon-Valdes.

Ayon kay Estrada, sinabi ni Gozon-Valdes sa kanyang affidavit na mayroon ngang alok na tinanggihan ni Niño.

Itinanggi ni Nones ang paratang.

“Your honor, upon review of the affidavit of Ms. Annette Gozon, nowhere in the affidavit does she mention that there was an offer of settlement, your honor. And in fact, she only mentioned the donation to the charitable institution after the paragraph where she put that, where she said Mr. Niño Muhlach came from a previous scheduled charity event,” pahayag ni Nones.

Sa kabila nito ay hindi kumbinsido si Estrada at sinabing, “Maliwanag na maliwanag dito sa affidavit na nagsisinungaling ka.”

Naglunsad ang Senate public information and mass media committee ng pagdinig sa mga polisiya ng television networks at artist management agencies kaugnay sa mga reklamo ng pang-aabuso at harassment.

Itinanggi ng dalawang independent contractors na sina Nones at Richard Cruz, ang alegasyon ng sexual harassment patungkol sa kanila ngunit naniniwala ang mga senador na may matibay na ebidensya kaugnay nito. RNT/JGC