Home NATIONWIDE 5 lugar isinailalim sa Signal No. 1 sa bagyong Marce

5 lugar isinailalim sa Signal No. 1 sa bagyong Marce

MANILA, Philippines – Bahagyang lumakas ang Severe Tropical Storm Marce at malapit nang maabot ang typhoon category habang papalapit sa kalupaan ng bansa.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Marce sa layong 735 kilometro silangan ng Baler, Aurora.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 110 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 135 kilometro kada oras.

Kumikilos ito sa direksyong northwestward sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Dahil dito, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:

Batanes;
Cagayan kabilang ang Babuyan Islands;
Northern at eastern portions ng Isabela (Maconacon, San Pablo, Palanan, Dinapigue, Santa Maria, Cabagan, Tumauini, Santo Tomas, Ilagan City, Divilacan, San Mariano);
Northern portion ng Apayao (Santa Marcela, Luna, Calanasan, Flora, Pudtol); at
Northern portion ng Ilocos Norte (Pagudpud, Dumalneg, Adams, Bangui, Burgos, Pasuquin, Vintar).

Asahan ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Cagayan province dahil sa bagyo.

Sa lagay ng panahon, ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Quezon, at Bicol Region ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa bagyong Marce.

Ang Eastern Visayas at Aurora naman ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil din sa bagyo.

Habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms. RNT/JGC