Home OPINION BULLYING HINDI BIRO, DI DAPAT BINABALEWALA

BULLYING HINDI BIRO, DI DAPAT BINABALEWALA

1
0

MULING kinalampag ni Senate President Pro Tempore Sherwin “Win” Gatchalian ang Department of Education upang paigtingin ang kampanya laban sa bullying at palakasin ang mental health programs sa mga paaralan.

Napapanahon ang panawagang ito dahil para sa maraming magulang at lolo’t lola dahil ang bullying ay hindi estadistika. Ito ay sugat na araw-araw dinadala ng isang bata.

Ang inyong Pakurot, bilang isang lola, hindi ko ito tinitingnan bilang simpleng usapin o isyu lamang. Ang aking apo ay dalawang beses nang nakaranas ng pangungutya mula sa ilang kaklase dahil sa kanyang timbang o pagiging obese.

Paulit-ulit siyang tinukso at ginawang katatawanan dahil siya ay overweight. Tinawag pa siyang “baboy”, salitang maaaring biro lamang para sa iba ay naging dahilan ng sakit at pagkapahiya para sa isang batang nais lamang mag-aral nang payapa.

Mas nakalulungkot, iniulat ng kanyang ina ang insidente sa kanyang paaralan, ang Immaculate Conception Cathedral School sa Quezon City. Ngunit bilang pamilya, pakiramdam namin ay hindi nabigyan ng agarang tugon at sapat na atensyon ang aming mga hinaing. Malinaw na may pangangailangan para sa mas bukas, mas mabilis, at mas epektibong pagharap sa mga reklamo ng bullying.

Ayon sa mga pag-aaral, isa sa bawat tatlong Pilipinong mag-aaral ang nakararanas ng bullying. Ngunit para sa mga pamilyang may anak o apo na biktima nito, hindi ito numero. Ito ay isang batang nawawalan ng kumpiyansa sa sarili. Isang batang natatakot pumasok sa paaralan. Isang batang unti-unting nasasaktan sa katahimikan.

Hindi dapat hintayin ng mga paaralan na magkaroon ng pisikal na pananakit bago kumilos. Ang “body shaming” ay isang anyo ng bullying na maaaring magdulot ng malalim na sugat sa pag-iisip at damdamin ng isang bata.

Kung seryoso tayo sa pagsusulong ng mental health at ligtas na kapaligiran sa paaralan, dapat may malinaw na mekanismo ng pagrereklamo, agarang aksyon, at tunay na malasakit sa mga biktima.

Ang bawat batang pumapasok sa paaralan ay may karapatang matuto nang walang takot, walang pangungutya, at walang pang-aapi. Ang hustisya para sa mga biktima ng bullying ay hindi espesyal na PABOR. Ito ay KARAPATAN.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here