LIPA CITY, Batangas — Patuloy na umaarangkada ang Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (Expanded 4PH) ng administrasyong Marcos sa layunin nitong mabigyan ng desenteng tirahan ang mga pamilyang Filipino. Nitong Miyerkules, Hunyo 3, pormal nang ipinamahagi ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Pag-IBIG Fund ang mga bagong house-and-lot units sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa Nuvista Homes Lipa na matatagpuan sa lungsod na ito.
Pinangunahan nina DHSUD Secretary Jose Ramon P. Aliling at Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta ang inspeksyon at seremonya ng turnover ng mga susi. Kasama rin sa aktibidad ang mga opisyal ng P.A. Properties, ang pribadong kompanya na siyang developer ng nasabing residential project. Sa naturang okasyon, emosyonal at masayang tinanggap ng mga housing loan borrowers ang susi ng kanilang mga bagong tahanan.
Ayon kay Sec. Aliling, na siya ring Tagapangulo ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees, ang tagumpay ng turnover na ito ay patunay ng seryosong determinasyon ng pamahalaan na isakatuparan ang pangarap ng mga manggagawa na magkaroon ng sariling ari-arian.
Ang proyektong ito sa Lipa ay kasunod lamang ng mga naunang pagbisita at katulad na aktibidad ng pamahalaan sa iba pang Expanded 4PH sites sa Pampanga, Nueva Ecija, Laguna, at Bacolod, na nagpapakita ng malawakang rollout ng programa sa bansa.
“Nagagalak kaming iulat na patuloy na nakikinabang ang mas maraming Pilipino sa Expanded 4PH Program sa pamamagitan ng pagtulong sa mga pamilya na magkaroon ng ligtas, desente, at abot-kayang tahanan,” pahayag ni Aliling, na nagmarka rin kamakailan ng kanyang unang taon mula nang italaga bilang kalihim ng DHSUD.
Idinagdag niya na sa pamamagitan ng mas pinalakas na kolaborasyon sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor, mas mabilis na naita-translate ang utos ng Pangulo tungo sa konkretong mga bahay.
Ang Nuvista Homes Lipa ay nag-aalok ng tatlong magkakaibang modelo ng bahay—ang Marya, Yasmin, at Solida—na may presyong naglalaro mula P950,000 hanggang P2.2 milyon. Sa kasalukuyan, mayroon nang 1,160 yunit na handa nang lipatan o ready for occupancy (RFO), habang mahigit 2,000 unit pa ang nakatakdang itayo sa mga susunod na buwan para matugunan ang kakulangan sa pabahay sa rehiyon.






