MANILA, Philippines – Inaasahang aabot sa 6.5 milyong pasahero ang dadaan sa 44 na commercial airports sa buong bansa ngayong Semana Santa, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio na ang inaasahang bilang mula Marso 28 hanggang Abril 5 ay mas mataas kumpara sa anim na milyong pasahero noong nakaraang taon, na nagpapakita ng taunang pagtaas na nasa pito hanggang 10 porsyento.
Handa naman ang Bureau of Immigration (BI) sa pagdagsa ng mga biyahero, kabilang ang pagdagdag ng tauhan, pagpapatupad ng leave ban, at pagpaparami ng e-gates para mapabilis ang proseso.
“We will have additional staff, desk augmentation. And there was also a directive even before this Holy Week that it is not allowed to file a leave, we have a leave ban,” ayon kay BI deputy spokesperson Melvin Mabulac.
“Here at NAIA Terminal 3 and NAIA Terminal 1, a total of 24 e-gates for our arrival; for departure, there are also for our OFWs,” dagdag pa niya.
Pinayuhan ang mga pasahero na dumating sa paliparan nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang flight.
Samantala, pinaalalahanan ng Cebu Pacific (CEB) ang mga biyahero na i-check ang kanilang flight details, lalo na’t simula Marso 29 ay ililipat sa Clark ang mga biyahe ng Cebgo at AirSWIFT papunta at mula Manila.
Ipinaalala rin ng airline na magsasara ang check-in counters 45 minuto bago ang domestic flights at isang oras bago ang international flights, at hinikayat ang online check-in upang maiwasan ang mahabang pila. Dave Baluyot