Home OPINION 6 BUWANG GIYERA AT KRISIS SA LANGIS

6 BUWANG GIYERA AT KRISIS SA LANGIS

263
0

HABANG humuhupa ng kaunti ang giyera sa pagitan ng Iran at United States-Israel, inihayag naman ng Iran na maaaring magtagal ang giyera nito laban sa US-Israel sa loob ng anim na buwan.

Humupa nang kaunti ang mabangis na digmaan makaraang ianunsyo ni Iran President Masoud Pezeshkian na ititigil na nila ang pag-atake sa kanilang mga kapwa Arabong bansa na roon nakatayo ang mga base militar ng US sa kondisyong hindi magagamit ang US military bases sa pag-atake sa Iran.

Nakatayo ang Al Udeid Airbase sa Doha, Qatar, U.S. Naval Forces Central Command at Fifth Fleet sa Bahrain, Ali Al Salem Air Base sa Kuwait, Prince Sultan Air Base sa Saudi Arabia, Al Dhafra Air Base, Muwaffaq Salti Air Base sa Jordan at iba pa.

Meron din sa Ben Gurion International Airport at Nevatim Air Base sa Israel na gamit nila, kasama ang pwersang Israel.

Nasa 40,000-50,000 sundalong Amerikano ang nakaistasyon sa mga ito na ginagamit para umatake sa Iran.

GIYERA TULOY-TULOY, STRAIT OF HORMUZ

Tuloy-tuloy naman ang giyera ng Iran laban sa US at Israel at kahapon, nasa ika-26 na pag-atake ang isinagawa nito laban sa Israel.

Dahil sa hindi pagtigil ng digmaan na inianunsyo rin ng US at Israel, kasabay ng pagpapasuko nang walang kondisyon sa Iran, nagbubunga ito ng pagsasara ng Strait of Hormuz.

Nasa siyam oil tanker ang inatake ng Iran sa nasabing karagatan, kasama ang mga nasa loob ng Persian Gulf, habang nakatambay lang ang nasa 300 oil tanker sa labas ng Strait of Hormuz, Gulf of Oman, Arabian Sea at Indian Ocean.

Tanging ang mga oil tanker at iba pang barko ng China ang pinapayagan at hindi ang mga konektado o pagma-may-ari ng US, Israel at ilang bansang Europeo.

Dahil sa deklarasyon ng Iran na kayang makipagtagalan sa loob ng anim buwang giyera laban sa US at Israel, mayroon tayoong problema sa suplay at presyo ng langis.

TULOY NA TAAS PRESYO NG LANGIS

Nitong nagdaang mga araw, lumundag ang presyo ng langis sa mula $73 sa $90-100-120 kada bariles ng langis o krudo.

Kung magpapatuloy umano ang digmaan sa ilang linggo pa at ang pagsasara ng Strait of Hormuz, maaari umanong lulundag ang presyo sa $140-$200 kada bariles.

Sa Pilipinas, apektado na ang presyo ng mga produktong petrolyo at maaari umanong may patong na P20 kada litro sa diesel at P10 sa gasolina.

May nagsamantala na nga simula noong Biyernes at naningil na ng patong na P20 kada litro at hindi pa nag-iisyu ng resibo.

Ang iba, nagsara rin noong Biyernes sa rasong naubusan na sila ng diesel at gasolina habang ang iba, suspetsang nagsara sila at agad na magbubukas sa Martes na may patong nang P20 at P10.

Sa ngayon, tiyak na magmamahal ang lahat ng bilihin.

Nasaan ang aksyon ng gobyerno sa pagbabawas o pagtatanggal ng excise tax sa gasolina na P10 kada litro, diesel – P6, kerosene – P3 at liquified petroleum gas – P3 kada kilo para sa taumbayan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here