HABANG nagaganap ang malaking giyera sa Middle East na apektado ang nasa 2.8 milyong Pinoy, tuloy-tuloy rin ang giyerang pulitikal sa Pinas.
Isa sa pinakasentro ng giyera ang pinasimulan ng “18 Marines” na paglalabas ng kanilang pagdedeliber umano ng bilyon-bilyong pisong kikbak sa mga kontrata ng pamahalaan patungo sa mga bulsa ng pinakamatataas na opisyal ng ating pamahalaan mula kay Pangulong Bongbong Marcos at pamilya nito hanggang sa mga maraming kongresman at ilang senador.
Kabilang sa mga anyo ng giyera ang hindi pagsuko ni Senador Ping Lacson sa kagustuhan ng ilang senador, lalo na ni Sen. Imee Marcos, na imbestigahan na ang 18 Marines upang matukoy ang mga katotohanan o kasinungalingan ng mga ito ukol sa kanilang mga pahayag sa kikbakan at korapsyon.
Habang nagaganap ang pagdedma ni Lacson sa Senate blue ribbon committee, nakakuha na rin ang 18 Marines ng nasa 500 kakampi na mga dating heneral, koronel, major, kapitan, sarhento at iba pa na sundalo at pulis na hindi natakot na ilabas ang kanilang mga pangalan sa media, kasama ang social media.
At hindi na maikakaila na sumasabog ang giyera ng 18 Marines sa iba’t ibang media: Radyo, telebisyon, dyaryo at social media.
Sumali na rin sa giyera ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police upang imbestigahan umano sila para sa hindi malinaw na layunin ngunit tila nakatutok ang mga ito sa mga posibleng rekord na kriminal umano ng mga ito.
Naghamon na rin ang “Marines” na handa silang humarap kahit sa Kamara o sa Senado, para sa imbestigasyon.
Ito’y kahit pa sa harap ng bintang na layunin lang umano ng mga ito na guluhin ang pamahalaan, lalo na ang kahilingang bumaba sa pwesto si Marcos dahil sa pagkakasangkot umano sa matinding kikbakan o korapsyon.
Magbantay na lang tayo kung ano ang mangyayari sa giyerang ito.






