KABILANG ang Pilipinas sa pinakaapektado sa digmaang US-Israel kontra Iran sa Gitnang Silangan – kahit ito ay nagaganap, malayo sa ating mga dalampasigan.
Kung bakit? Ang Pilipinas ay umaasa lamang sa pag-import ng langis at karamihan sa ating mga pangangailangan ay gumagamit ng natural gas.
Bukod dito, mayroon tayong dalawang milyong migranteng manggagawa na apektado ngayon sa rehiyon.
Kapag tumagal pa ng ilang linggo ang digmaan, libo-libo sa ating mga kababayang manggagawa ang mapipilitang boluntaryong bumalik sa bansa. Ang problema, walang kakayahan ang Pilipinas lalo sa kapasidad ng logistic na ilikas silang lahat nang sabay-sabay.
Hahantong din ang malawakang repatriation sa overseas Filipino workers sa pagbaba ng remittance. Ang ating ekonomiya, sa kasalukuyan na naghihingalo, ay hindi kayang tumbasan ang pagkalugi na ito.
Ang problema sa import ng langis ay pinangangambahang lalong magtaas ng pump price – marahil sa mahigit P100 bawat litro. Lubos itong magpatataas sa inflation na ayon sa ilang analyst ay aabot sa humigit-kumulang pitong porsyento. Magiging matindi ang economic pressure sa mga sahod.
May mga nagmumungkahi na pansamantalang ibasura ng gobyerno ang mga excise tax sa gasolina na magbibigay nga ng kaunting ginhawa ngunit magdudulot ng mas malubhang problema sa pananalapi sa hinaharap. Mangungutang ang gobyerno upang mabayaran ang pagkawala ng mga kita mula sa mga excise tax.
Noong nakaraang taon, umabot sa P1.58 trilyon ang ating budget deficit kaya napilitan ang gobyerno na umutang para mapunan ito ngunit ninakaw lamang ng mga mandarambong ang pera.
Kung aalisin ang excise tax sa petrolyo, magkakaroon lalo ng malaking deficit ngayong taon at magkakaroon ng mas malaking obligasyon sa utang.
Ito ang magtutulak sa bansa sa mas dambuhalang krisis sa utang.
Hindi lang panlabas na “bagyo” ang kinakaharap natin. Mahaharap tayo sa pandaigdigang tsunami sa ekonomiya. Lalong babagsak ang mga export at ang direktang pamumuhunan ay magiging kalunos-lunos. Lolobo ang gastusin kaya mapipilitan ang maraming maliliit na negosyo na magsipagsara.
Sa madaling salita, malaki ang posibilidad na tumagal ang paghinto ng galaw ng ekonomiya na may kasabay na mataas na inflation. Masaklap itong balita.






