LUBHANG pagulo nang pagulo at palalim nang palalim ang nangyayaring imbestigasyon na isinasagawa ng Quad Committee ng Kongreso sa mga may kinalaman sa “war on drugs” ng dating administrasyon.
Totoo nga kayang may kinalaman sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office chairperson retired Col. Royina Garma at National Police Commission commissioner retired Col. Edilberto Leonardo sa pagpaslang kay retired Gen. Wesley Barayuga?
Si Barayuga ay kasalukuyang PCSO board secretary nang paslangin ng hindi kilalang suspek na lulan ng motorsiklo noong Hulyo 2020 sa Mandaluyong City.
Ang imbestigasyon ng QuadCom ay nagsimula sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords na umabot sa pagpatay sa dating PCSO board secretary. Ang tanong ngayon, ano pa ang mga kasong pwedeng ikarga at ituro na may kinalaman sina Garma at Leonardo?
Mukhang maayos ang ‘flow’ ng pahayag ng whistleblower na si PLtCol Santie Mendoza, dating naka-assign sa Philippine National Police Drug Enforcement Group.
Ang konting salto lang na kung pag-aaralan ay ang sinabi niyang ilang beses siyang tinawagan ni Leonardo upang humanap ng papaslang kay Barayuga na base sa utos ni Garma.
Kung totoo iyon, dapat ay si Garma mismo ang mag-uutos sa kanya na base sa utos ni Leonardo dahil sa PNP Academy o PNPA ay upperclass ni Garma si Leonardo. Hindi pwedeng utusan ito ni Garma dahil mas senior si Leonardo.
Hindi siya naging tao ni Leonardo, paano siyang tatawagan nito para magsagawa ng napakabigat na task? Siyempre kapag malalimang operasyon, kailangang ‘trusted’ ng isang opisyal ang ‘executioner’ ng project.
Sabi ni Mendoza sa kanyang testimonya, hindi siya pinatatahimik ng kanyang konsensya at kaya naman niya nagawa ay dahil sa takot para sa kanyang sarili at mga mahal sa buhay.
Hindi nga siya naging tao ni Leonardo, paanong siya ang tatawagan?
Hindi kaya scripted ang pahayag ni Mendoza? Pero sabi ko nga, maganda ang flow ng kanyang pahayag kaya may posibilidad na may bahid katotohanan ang kanyang sinabi. Hindi lang kumbinsido ang inyong Pakurot.
Kaya sana, huwag mahulog sa patibong ng mga nagnanais sumikat para sa darating na halalan. Batid naman ng mga marunong mag-analisa na may kumpas ng kung sinong Poncio Pilato ang kaganapan sa Kongreso.
O, kaya naman patibong lang ito ni Uncle Sam?






