Home OPINION HONTIVEROS AYAW PUMUNTA SA IMPIYERNO?

HONTIVEROS AYAW PUMUNTA SA IMPIYERNO?

MAGANDA ang drama sa Senado kamakalawa ukol sa war on drugs ni ex-President Digong Duterte.

Nang magsalita si PCol. Hector Grijaldo ukol sa maniobra ng dalawang kongresman sa Quad Committee para gawin siyang testigo laban kay Digong, naka-zipper ang bibig ng mga anti-Digong.

Sa maikling salita, may supplemental affidavit umano si ex. PCol. Royina Garma ukol sa reward system para sa mga pumapatay sa mga sangkot sa droga sa Davao City noong Mayor pa roon si Digong.

Ipinagduldulan umano nina Congressman Dan Fernandez at Benny Abante, ng Quadcom sa Kamara, kay Grijaldo na pumirma sa affidavit at walang ibang gawin kundi kumpirmahin ang reward system.

Ang buod, ginusto umano nina Fernandez at Abante na magsinungaling si Grijaldo ngunit pumalag siya sa pagpirma at hindi siya nagsalita sa Kamara ayon sa kagustuhan ng dalawang kongresman.

Matapos nito, katakot-takot na deny to death naman sina Fernandez at Abante kahapon sa kanilang press conference at may demolition lang daw sa kanila.

Nagbanta si Fernandez na reresbak daw sila.

Ikalawang drama ang sagutan nina Pres. Digong at Senador Risa Hontiveros.

Itong si Hontiveros, panay ang diin na guilty na si Digong ukol sa reward system, death squad at pag-amin sa pagpatay.

Ngunit hindi naipilit ni Hontiveros ang reward system nang sabihin ni Digong na mayayaman ang mga gustong pumatay sa mga kriminal noon sa Davao at walang reward.

Umamin naman mismo si ex-Senador Leila de Lima na walang tiyak na pinagmulan ang salitang death squad kundi umusbong lang sa mga usap-usapan at nablangko rin si Hontiveros sa pilit nitong pagpapalabas ng organisadong death squad.

Sa pinakahuli, sinabihan ni Digong si Hontiveros na kumonsulta sa abogado para magkaintindihan sila sa usapang may pananagutan sa krimeng pagpatay.

Sabi ni Digong na “guilt is personal” na nangangahulugang hindi pwedeng ipasa ni Hontiveros kay Digong ang krimen ng ibang tao.

Sino kaya sa mga ito ang pupunta sa impiyerno?