Home OPINION MAPALALAYAS NA PINOY SA US ASIKASUHIN

MAPALALAYAS NA PINOY SA US ASIKASUHIN

HINDI biro ang takot na nararamdaman ng 350,000 iligal na Pinoy sa United States kaugnay ng patakaran ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump na palayasin sila.

Maaaring mapalayas din ang iba pa mga isinusumbong o itsinutsutso na may kriminal at iba pang gawaing iligal.

Kahit ang mga nakakuha na ng US citizenship, posibleng mapalayas din dahil sa totoo lang, eh, pupwedeng kanselahin ang sertipikong ito.

Sa katunayan, may mga pinauwi o pinalayas nang mga Pinoy na umano’y may mga rekord na kriminal.

MGA PAMILYA DAMAY

Hindi lang ang daang-daang libong iligal at may criminal record na Pinoy ang dapat isipin.

Gaano karami ang kanilang pamilya sa Pinas na umaasa sa kanila?

Hindi kaya milyon-milyon ang bilang ng mga ito kung kukwentahin na bawat iligal at may criminal record sa US ay may limang taong umaasa sa kanila sa Pilipinas?

Sa totoo lang, hindi lang ang mapalayas sa US ang kinatatakutan ng mga Pinoy kundi ang kawalan o kakapusan nila ng kakakayahan na buhayin nang marangal at disente ang mga umaasa sa kanila rito sa bansa.

Kung mawalan nga naman sila ng trabaho, babalik sila sa Pinas na wala ni anomang bitbit o daratnang agad na trabaho o pagkakitaan na maayos at pangmatagalan.

At dito makikita at mararanasan ang napakalaking problema ng kahirapan, gutom at kawalan o kakaunting pag-asa sa hinaharap.

Malamang na masasama sila milyon-milyong walang trabaho o pagkakitaan at mga kailangang kumayod ng 10 tuka bago kumita.

BADYET AT AYUDA NASAAN?

Habang tinatalakay ang pambansang badyet sa 2025 sa nakaraang mga buwan, walang narinig ang ating Uzi na panukala para sa mga mapalalayas sa US at siyempre pa, para sa kanilang sandamukal na pamilya o umaasa sa kanila rito.

Ang iba’t ibang anyo ng ayuda ay nakatuon lang, ayon sa mga kritiko sa pambansang badyet, gaya ni Manang Imee Marcos, sa pangalawit ng boto ngayong halalan at maaaring wala na sa mga susunod na araw.

Sa P26 bilyong AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program na pinaghatian ng mga kongresman at senador na ipatupad, sinasabing makikinabang ang mahigit 20 milyong Pinoy ngunit masasabi bang meron dito ang mga mapalalayas sa US at uuwi sa Pinas nang walang-wala?

Malinaw na hindi malinaw kung maging benepisyaryo sila o hindi.

Tinapyasan din ang badyet para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng halagang P50B at 40 porsyento ng mga benepisyaryo ang mawawalan ng ayuda.

Paano kung may babagsak na 4Ps sa mga mapalalayas?

Alanganin din ang TUPAD na sagot dahil 10 araw lang na trabaho ito na nasa P400 kada araw at hanggang P4,000 pagkatapos, hindi ka na masasali ulit, lalo na kung hindi ka kamag-anak o suporter sa pulitika nina kapitan o mayor.

Marahil, kung nagkasakit sila, makatatakbo sila sa biyaya ng Malasakit Center.

Pero sa kabuuan, nasaan ang matagalan na serbisyo sa kanila para makasurbayb sila kagipitan hanggang marating ang makataong kalagayan at hindi pawang paghihirap at kakapusan?