Home OPINION PAGPAPATINO SA BOC

PAGPAPATINO SA BOC

205
0

MAY bagong tagapagpatupad ng batas: isang sinasabing matinong tagapaglingkod ng ahensya ng gobyerno, ang Bureau of Customs.

Hindi na bago para kay Commissioner Ariel Nepomuceno, dating disaster and risk reduction chief, ang galawan sa kawanihan. Minsan na siyang nagsilbi sa BOC, at kung pagbabasehan ang mga una niyang ipinatupad, wala siyang sasantuhing kahit sino sa bureau.

Sa unang araw pa lang, sinuspinde niya ang lahat ng hindi naisilbing Letters of Authority at Mission Orders na inisyu bago sumapit ang Hulyo 2. Alam na alam niyang ang mga nasabing dokumento ang madalas na ginagamit sa “raids” na nauuwi sa iligal at palihim na aregluhan.

Ito ang dahilan kaya nasabi kong alam ni Nepomuceno ang galawan sa loob: marami sa mga operasyong ito, lalo sa mga kasong kinasasangkutan ng luxury cars at mga inangkat na hindi natasa nang maayos, ay hindi nagreresulta sa tamang koleksiyon ng buwis — kundi sa negosasyon lang. Sa ngayon, tanging siya lang ang makapag-aapruba ng mga ganoong gawain. Sa kanya nakasalalay lahat.

Ang mas importante pa, humihiling siya ng full audit. Sa loob ng 24 oras, dapat na magsumite ang mga deputy commissioners ng status report ng lahat ng LOAs at MOs mula Enero hanggang Hunyo. Hindi lamang iyon paperwork — isa iyong senyales. Na nagbabantay siya. Nang maigi.

Kasunod nito, tinugunan niya ang mas malaking modus sa kawanihan na nagpapayaman sa maraming opisyal. Ipinag-utos niya ang ban sa mga tauhan ng BOC na may interes — direkta o anoman — sa customs brokerage. Kaya, malinaw ang mensahe: Tigilan na ang double-dipping bilang regulator at player.

Ang mga mahuhuli ay sasampahan ng mga kasong administratibo at kriminal, ayon kay Nepomuceno. Bukod dito, inatasan niya ang lahat ng empleyado na ilahad kung sila o mayroon silang kamag-anak, hanggang sa fourth degree, na konektado sa anomang brokerage. Walang lusot kahit na past affiliations.

Target ng BOC na makakolekta ng ₱1.06 trilyon ngayong 2025. Pero paano mangyayari iyon kung ang mga nakagawian — tulad ng “padrino system,” kickback, at mga pabor — ay magpapatuloy? Determinado si Nepomuceno na baguhin ang sistema. Binigyan niya ang lahat ng 30 araw para aminin ang dapat aminin kung ayaw nilang mawalan ng trabaho.

At huwag nating kalilimutan: ang hinalinhan niya ay hindi umalis nang taas-noo. May usap-usapan tungkol sa power blocs at padrino na nag-agawan sa kontrol sa Customs, na matagal nang kumikitang kabuhayan para sa mga may koneksyon.

Ngayon, sinabi ni Nepomuceno na hindi uubra sa kanya ang dating kalakaran at hindi rin siya magbibigay ng pabor sa sinoman sa paraang iligal. Sinabi niyang walang sinoman na may permisong gamitin ang kanyang pangalan para makalusot sa Customs. Kung may magsasabi man na nakausap daw siya tungkol sa dating galawan, hinimok niya ang publiko na isumbong iyon sa kanya.

Kung ganun, hayaan nating manindigan siya sa kanyang mga sinasabi. Itinaya niya rito ang kanyang pangalan at liderato. Kaya sa BOC insiders, paalala lang: kung gusto ninyong manatili dyan, basta diretso lang. Kung ayaw ninyong masipa palabas.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here